Rejection ng Tsina sa PH protest, inasahan na

INASAHAN NA umano ng Palasyo ang pag-reject ng Tsina sa diplomatic protest na inihain ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Inihayag ng Chinese embassy na nagsasagawa ng regular patrol ang kanilang Coast Guard nang mangyari ang January 27 incident.

Sa naturang insidente, itinaboy ng Chinese Coast Guard ang mga mangingisdang Pinoy sa Bajo de Masinloc sa pamamagitan ng water cannon.

Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, hindi na bago ito dahil pagbibigay-diin lamang ito sa posisyon ng Tsina kaugnay ng nine-dash line.

Sinabi ni Valte na hayaan na rin sa DFA ang pagsasagawa ng kaukulang reaksyon bilang tugon sa kanilang Chinese counterparts.

Dapat din daw itanong sa nasabing bansa kung bakit dalawang Filipino fishing vessels lamang ang binomba ng water cannon gayong nasa 14 na bangka ang nasa area noong January 27.

Pursigido naman umano ang Pilipinas na ituloy ang pagsasampa ng written pleading o tinatawag na “memorial” sa International Tribunal for the Law of the Sea (ITLOS) laban sa sinasabing panghihimasok ng Tsina sa sobereniya ng bansa.

Iginiit naman ni Philippine-hired lawyer Paul Reichler na malakas ang kaso ng bansa kung kaya’t wala umano siyang nakikitang dahilan para hindi ituloy ang kaso.

Nabatid na sa March 30 nakatakdang isampa ng DFA ang memorial sa international tribunal.

Hinimok din ni former national security adviser Roilo Golez ang pamahalaan na ituloy ang pagsasampa ng reklamo laban sa Beijing.

Nagpahayag nang pagkabahala si Golez na kapag nagpakita nang paglambot ang pamahalaan sa posisyon nito, tiyak umanong sasamantalahin ito ng dayuhang bansa at mauulit din ang mga insidente ng pangha-harass nito sa West Philippine Sea.

Una rito, iginiit naman ni Zhang Hua, deputy chief of Political Section at spokesman ng Chinese Embassy sa Manila, hindi umano tinatanggap ng Tsina ang naturang protesta dahil wala raw nilalabag ang kanilang mga coast guard.

Sinabi pa ni Zhang na ang mga Chinese vessels ay nagsasagawa ng regular patrol sa loob ng kanilang hurisdiksyon nang ito’y mangyari.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.