Rehab plan sa Yolanda victims, kinukumpleto na

TINIYAK NI rehabilitation czar Sec. Panfilo “Ping” Lacson na agad sisimulan ng pamahalaan ang rehabilitation efforts para sa mga naging biktima ng bagyong Yolanda sa Region 8.

Sinabi ni Lacson na kinukumpleto na lamang ng gobyerno ang mga plano habang may hanggang Marso 27 pang deadline ang mga tanggapan para sa pagsumite kabilang na ang mga lokal na gobyerno ng kanilang ulat hinggil sa kanilang plano lalo na ang proyektong kinakailangan sa kanilang nasakupan.

Kumpiyansa rin si Lacson na matatapos ang rehabilitation projects bago ang buwan ng Hunyo ngayong taon.

Aniya, puspusan na ang ginagawang trabaho ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno para maibalik sa normal ang pamumuhay at sitwasyon ng milyun-milyong katao na naapektuhan ng matinding kalamidad.

Siniguro rin ng opisyal na sapat pa rin ang mga donasyon at tulong mula sa ibang bansa maliban pa sa tulong mula sa ilang organisasyon bagama’t nasa apat na buwan na ang nakalipas.

Napag-alaman na sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umakyat na sa 6,268 ang bilang ng mga namatay mula sa mga lugar na sinalanta ng lugar habang patuloy pa rin umanong nakakarekober ng mga labi ang mga kinauukulan.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.