Registration sa 2016 polls, sa Mayo 6 na

MAGSISIMULA NA sa Martes, Mayo 6, 2014 ang Commission on Election (COMELEC) registration para sa 2016 elections.

Sinabi ni COMELEC Chairman Sixto Brillantes na binibigyan nila ng 17 buwan ang mga botante na makapagrehistro sa biometrics system mula Mayo 6 ngayong taon hanggang sa ika-31 ng Oktubre sa 2015.

Aniya, iba ang biometrics system sa dati nilang sistema dahil kukuhanan ang mga botante ng fingerprints at litrato saka bibigyan ng voter’s ID.

Mas organisado at iwas pamemeke aniya ito dahil isang rehistro lang sa voter’s registration machine ay pasok na ang impormasyon ng botante sa official system.

Tinataya namang nasa 9.6 milyong mga botante ang rehistrado na ngunit wala pang biometrics habang hinihintay naman ang nasa 2.5 hanggang tatlong milyong bagong registrants.

Ayon kay Brillantes, magsasagawa sila ng on-site registrations tuwing Linggo sa mga matataong lugar tulad ng simbahan at mga mall para maabot ang mga hindi pa rehistrado.

Inanunsyo rin niya na sa Mayo 6 ay magkakaroon sila ng walkathon kung saan maglalakad ang mga tauhan ng COMELEC mula Laoag, Ilocos Norte hanggang Matnog, Sorsogon sa Luzon “to encourage the registration” para sa mga boboto.

Gagawin rin umano ito sa Visayas at Mindanao para palawigin pa ang kanilang kampanya.

Mas madali na rin ang pagrehistro dahil “meron ho kaming [VRM] in each and every municipality all over the country,” ayon kay Brillantes.

Inihayag ni Brillantes na kung ano ang mga hakbang na dapat gawin ng isang transferee mula sa isang presinto patungo sa iba.

Aniya, pumunta lang sa election office ng lilipatang presinto at magparehistro sa kanilang voter’s registration machine (VRM) upang makuhanan ng biometrics.

Iwas-pamemeke naman ang bagong proseso dahil kada tatlong buwan ay maglalabas ng proceedings ang ERB na magpa-publish ng lahat ng bagong aplikante para matignan kung may kapareha ang nagrehistro at kung wala naman ay agad nilang aaprubahan ito.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.