Regine Velasquez, nakalabas na sa ospital matapos himatayin

KAHAPON LANG INILABAS ng hospital si Regine Velasquez pagkatapos siyang himatayin sa taping ng Diva nu’ng kamakailan lang.

Nakatsikahan namin si Ogie Alcasid na sumaglit sa presscon ng senatoriable na si Risa Hontiveros at kagagaling lang nga raw ng hospital para matiyak na okay na ang kalagayan nito.

Nag-aalala lang si Ogie dahil ang payo raw ng doktor kay Regine ay kailangang magpahinga raw muna ito ng ilang araw bago ito bumalik sa trabaho.

Hindi pa masabi ng songwriter kung ano ang findings kay Regine dahil nasa hospital pa ito at hinihintay pa raw ang resulta ng mga test na ginawa sa kanya.

Ilang beses daw sinasabihan ni Ogie si Regine na sana magpahinga muna ito, pero mukhang ayaw raw paawat ng Songbird dahil gusto na nitong bumalik sa trabaho.

“Sobrang dedicated siya diyan sa Diva, eh. Hindi ko mapigilan, eh. Pero sana magpahinga naman muna siya,” pahayag ni Ogie.

Naintindihan naman daw ng mga taga-Diva kung hindi muna mag-taping si Regine dahil kailangang mas pahalagahan naman nito ang kalusugan niya.

“Sabi ko nga sa kanya, hindi na tayo bata. Nagkaka-edad na tayo. Dapat mag-ingat din,” dagdag na pahayag ni Ogie.

Kaya tinututukan ito ngayon ni Ogie dahil ang concern lang naman daw niya ay magpahinga muna ng ilang araw bago ito bumalik sa trabaho.

TAHIMIK NA NGAYON si Sunshine Dizon pagkatapos napabalitang nagpakasal na sila ng pilotong si Timothy Ong-Tan.

Bukod sa Party Pilipinas, pinagkakaabalahan ngayon ni Sunshine ang pagtatapos niya sa Culinary Arts at seryoso raw siya sa pag-aaral dito.

Mabuti’t hindi na raw sila naiintriga dahil happy naman daw sila sa kanilang samahan. Nalinaw na rin ang isyung ayaw raw kay Sunshine ng pamilya ni Tim dahil wala naman daw problema ang aktres sa mga in-laws nito.

Kapag weekend na walang trabaho ay nasa Pampanga raw sila at tanggap na tanggap naman si Sunshine.

Mukhang meron lang daw nang-iintriga na bitter pa rin sa pagpapakasal ng dalawa kaya ikinalat ang ganu’ng intriga.

Ang target ngayon ng mag-asawa lalo na si Sunshine ay mabuntis at sana makabuo na raw sila ngayong taon.

Handang-handa pa naman daw ngayon si Sunshine na mabuntis kaya sana matupad ang wish nilang makabuo na sila ngayong taon.

Balak pa naman ng dyowa ni Sunshine na bumalik sa pagiging piloto at baka ma-assign daw ito sa Emirates Airlines.

Ang gusto pa naman daw ng dyowa ni Sunshine na isama ang aktres sa trabaho niya pero siyempre may trabaho naman dito ang aktres kaya baka pansamantala muna silang maghihiwalay, kung matutuloy ang assignment nito sa Emirates.

By Gorgy’s Park

Previous articleHere Comes The Bride stars, magpapakwela na!
Next articleWillie Revillame, sobrang lumalaki na ang ulo?!

No posts to display