REGINE VELASQUEZ, ISINUGOD SA OSPITAL!

ISINUGOD PALA SA hospital si Regine Velasquez-Alcasid kamakailan dahil sa nahilo raw. Siyempre, ang duda ng karamihan ay baka buntis na ito. Hindi naman pala. Nagkasakit daw ang Songbird, pero hindi pa nilinaw sa amin kung ano ito. Ilang araw din daw na-confine si Regine, pero ngayon ay nakalabas na. Pero pinagpahinga pa raw muna ng doctor, kaya ilang araw ding hindi nakapag-taping ang I Heart You Pare.

Nu’ng Linggo lang ay dumalo pa si Regine sa launch ng Yes Pinoy Foundation ni Dingdong Dantes, okay pa siya nu’n. Hindi ko lang tiyak kung Lunes o Martes siya isinugod ng hospital, pero nag-alala raw si Ogie Alcasid.

Nakausap ng Startalk ang kapatid niya at manager na si Cacai Velasquez-Mitra, sinabi naman niya na okay na ito, pero hindi na niya rin idinetalye kung ano ang naging sakit ng ka-patid. Malamang na next week pa raw makakabalik sa trabaho si Regine.

SI JENNYLYN MERCADO naman, pagkatapos tanggalan ng tonsils, nagpapahinga pa rin sa bahay niya. Dalawang linggo itong hindi pinapagsalita ng doktor para tuluyang gumaling ang kanyang operasyon.

Pero hirap na hirap daw si Jennylyn dahil sobrang sakit pa rin daw ng lalamunan niya.      Hindi raw siya makakain ng solid food, ice cream at sopas lang daw ang puwede. Pero hirap pa rin dahil kahit nga uminom lang ng tubig, parang hinihiwa raw ng blade ang lalamunan niya.

Pero tiniyak naman ng doktor na hindi makakaapekto sa boses niya ang operasyon. Kaya nga sinusunod nito ang payo ng doktor na huwag magsalita, para makondisyon nang husto ang boses niya. Paghahandaan daw kasi ni Jennylyn ang gagawin niyang concert sa kanyang kaarawan sa Mayo.

Ang alam ko, May 14 ang birthday ni Jennylyn, pero sa May 7 daw gagawin ang concert niya sa Zirkoh. Inaayos daw nila na makapag-guest sina Mark Herras at Dennis Trillo.

Kahit nagpapagaling ngayon si Jennylyn, nasaktan lang daw siya sa huling nabalitaan niyang kakasuhan siya ng dating PA (personal assistant) na si Mel Pulmano ng kasong perjury. Kahit nakakulong itong si Mel, talagang kumikilos pa rin para magantihan si Jennylyn.

Nagtataka lang ako kung saan siya kumukuha ng panggastos sa kasong ito? Ipagpalagay man na-ting libre ang abugado niya, meron ka pa ring gagastusin. Matagal na siyang nakakulong, kaya nakakapagtaka lang kung saan sila kumukuha ng perang panggastos.

Anyway, ayaw na lang daw magpaapekto ni Jennylyn sa mga ginagagawa ni Mel. Bahala na raw ang abugado niya kung paano haharapin ang kaso. Nagpapasalamat na lang daw siya sa lahat ng mga fans niyang patuloy na sumusuporta sa kanya. Nang nalaman daw ng mga fans niya ang kalagayan niya ngayon, walang tigil daw ang dating ng mga regalo sa kanya. May mga nagpapadala ng ice cream at ilang pagkain na puwede niyang kainin ngayong nagpapagaling pa siya.

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis

loading...

One thought on “REGINE VELASQUEZ, ISINUGOD SA OSPITAL!

  1. Ang kinis ni Regine, ano bang ginagamit nila sa skin nila, bakit ba ang kinis nila. Marami sa mga artista sa pinas na sa bago pa lang sila, hindi sila ganuun ka puti ang skin nila pero ng nagtagal na, bigla na lang silang kuminis at pumuputi. Gumagamit ako ng ibat ibang skin whiterning soap and lotion, pero, walang effect yata sa skin ko.

Leave a Reply

Your email address will not be published.