Regine at Ogie, puwede na ring magpakasal?!

Pagdating ko nu’ng Miyerkules galing Cebu, tumuloy na ako agad sa burol ni Douglas Quijano dahil ang GMA 7 ang sponsor doon ng misa at pa-dinner sa lahat na nandu’n sa burol.

Abala ang lahat sa pag-asikaso sa misa lalo na ang mag-asawang Richard Gomez at Lucy Torres na humaharap sa mga bisitang dumarating.

Nagdatingan na rin ang ibang mga kamag-anak ni Douglas galing sa ibang bansa. Ang isang kapatid niya sa Amerika na lang ang hinihintay, dahil sa Sabado na ang cremation nito.

Ang huling desisyon nila, pagkatapos ng cremation ay dadalhin muna ito sa bahay niya sa Antipolo at doon dadasalan sampung araw. Ganu’n din daw sa condo niya sa San Juan at sa bahay niya sa Lucban, kung saan doon na nga nagri-retire si Douglas. Sa ika-40 araw raw nito, saka siya ililibing sa Loyola Memorial Park kasama ang mga magulang niya.

Doon mo nakikita kung gaano kamahal si Douglas dahil ang mga pumupunta roon ay halos gabi-gabi nang naroroon. Hindi iyung isahan lang na nakikiramay. Lahat nakikiisa sa pakikiramay sa pamilyang naiwan niya.

Pagkatapos ng misa, abala na ang lahat sa dinner at ang iba, walang puknat na kuwentuhan. Ako naman, nakalimutan ko yata na burol pala ‘yun ni Douglas, bigla ko siyang hinanap. Nasanay kasi ako na sa mga ganung gathering kami nagkikita ni Douglas na abala rin sa pakikipagtsikahan sa mga bisita.

Naloka sila dahil biglang hinanap ko siya at huli ko na lang na-realize na siya pala ang pinaglalamayan doon. Hay naku! Talagang hindi pa nga nag-sink in sa akin na wala na ang bestfriend ko.

Isa pa naman iyan sa kinaiiritahan ko na makulit ‘pag tumatawag sa akin. Halos araw-araw, hindi iyan tumitigil sa katatawag sa akin para makitsismis lang. Gaya ni Rudy Fernandez noon na kapag pangalan nila ang lumalabas sa telepono ko, naiirita ako at mangungulit na naman sila.

Iyon pala ang mami-miss ko sa kanila ngayong wala na sila.

Maingat si Ogie Alcasid sa pagsagot pagdating sa isyung nakatakda na raw ikasal ang ex-wife niyang si Michelle Van Eimeren. Nasa korte pa rin kasi ang annulment case nila at hanggang ngayon, wala pa ring resulta ito kaya nakabitin pa rin ang tanong kung magpapakasal na ba sila ni Regine Velasquez.

Kasi kung puwede na palang magpakasal si Michelle, bakit hindi si Ogie.

Hindi na nagkomento si Ogie tungkol diyan dahil mahirap na raw. Pero alam na niya ang balak na pagpapakasal ni Michelle at baka nga dumalo pa ito. Okey naman daw sa kanya kung siya pa ang kakanta sa kasal nito.

Iisa lang naman ang wish nina Ogie at Regine na sana, matuloy na ang matagal na nilang binabalak na pagpapakasal. Iyun na lang naman ang hinihintay ng lahat.

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.