Recom nagbabala sa residente sa nakukuhang sakit ngayong tag-ulan

NAGBABALA SI Caloo-can City Mayor Enrico “Recom”Echiverri sa mga residente ng lungsod na mag-ingat sa mga sakit na nakukuha ngayong panahon ng tag-ulan partikular na ang leptospirosis at dengue na maaaring maging dahilan ng pagbuwis ng buhay.

Ang babalang ito ni Echiverri ay bunsod na rin ng inilabas na ulat ng Department of Health (DOH) na tumaas ang bilang ng mga taong nagkakaroon ng sakit na leptospirosis at dengue sa panahon ng tag-ulan.

Base sa ulat na inilabas ng DOH, tumaas ng 70.18% ang bilang ng mga taong nagkaroon ng sakit na leptospirosis kung saan ay umabot ito ng 2,374 ngayong taon kumpara noong 2011 na mayroon lamang na 1,395 simula January  hanggang August 11.

Kabilang sa mga sintomas ng sakit na leptospirosis ay ang lagnat na aabot ng pito hanggang sampung araw, pananakit ng katawan lalo na ang mga binti, pananakit ng ulo, nahihirapang umihi, nahihirapang huminga at paninilaw ng mga mata.

Nakukuha rin ang sakit na ito sa pamamagitan ng paglusong sa mga tubig baha kung saan ay maaaring pumasok ang mikrobyo na nagmumula sa ihi ng daga at dumi ng iba pang hayop sa ating mga “open wounds”.

Ayon pa sa ulat ng DOH, tumaas din ng 17.48% ang bilang ng mga taong nagkaroon ng sakit na dengue ngayong taon kung saan ay may 63,655 noong 2011 habang pumalo naman sa 74,784 ngayong 2012 simula January hanggang August 11.

Kaugnay nito, nakipag-ugnayan naman si Liga ng mga Barangay sa Pilipinas President, Councilor Ricojudge “RJ” Echiverri sa lahat ng mga opisyal ng barangay sa lungsod upang manmanan ang kanilang mga nasasakupang residente tungkol sa naturang mga sakit upang maagapan sakaling magkaroon ang mga ito ng leptospirosis at dengue.

Umiikot na rin sa bawat barangay ang mga city health workers ng lokal na pamahalaan upang mabigay ng sapat na kaalaman sa mga residente kung ano ang mga nararapat na gawin upang makaiwas sa mga nabanggit na sakit.

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.