Rayver Cruz, itinangging nanligaw kay Sarah Geronimo! – Archie de Calma

NAGKAROON NG IMPRESSION kay Rayver Cruz na talagang nag-attempt siyang ligawan si Sarah Geronimo. Napalaki kasi ang isyung kesyo ginamit niya at one point ang young actress para mapag-usapan sila, pero idiniin ni Rayver na hindi siya talaga nanligaw kay Sarah.

“Naging kaibigan ko lang si Sarah,” pagtatapat ni Rayver. “Hindi ko naman inaasahang magiging kaibigan ko siya. ‘Yung opinyon na kesyo nanggagamit, iniisip ko na lang na hindi maiiwasan ‘yung mga ganoong comment.”

Iba pa rin ang status ni Sarah, at isinaalang-alang ni Rayver ‘yun.

Hindi siya basta nagdamdam dahil doon. Ang mahalaga kay Rayver ay ‘yung naging kaibigan niya si Sarah. Nangungumusta pa rin daw siya. Once in a while, tinatawag-tawagan pa rin niya ang young actress.

Inasahan din ni Rayver na magkakaroon ng ganoong isyu. Magkaiba talaga sila ng estado ni Sarah, at alam ni Rayver ‘yun. Hindi naman natatapos ang buhay at career ni Rayver sa loveteam. Nawalan na siya ng ka-loveteam mula nang mabuwag ang tambalan nila ni Shaina Magdayao.

“Okey lang siguro. Bakit si Kuya Lloydie (John Lloyd Cruz), kahit sino ang ipareha sa kanya, natatanggap ng mga tao? Dapat sigurong gawin ko, kapag may break, pagbutihan ko na lang,” nangingiting sabi pa ni Rayver.

Gusto nga ni Rayver na hasain pa ang kanyang pagkanta. ‘Yung iba pa niyang kayang gawin, talagang ipinapakita na niya sa publiko nang hindi siya kasawaan at hindi lang basta loveteam ang hinahanap sa kanya.

“Hindi ako magaling kumanta, pero alam kong nakakakanta ako,” very humble na sabi pa ni Rayver. “Eventually, gusto ko nang ma-establish ang singing career ko. Para alam ng mga tao na nakakasayaw ako, nakakaarte, nakakakanta.”

Alam ni Rayver na nakakakanta siya, pero iba nga raw ang confidence niya sa pagsasayaw. Eventually, gusto niyang matutunan ang pagiging confident sa pagkanta, if given the chance. ‘Pag kumakanta raw siya, alam niyang kaya niya, pero kulang pa sa kumpiyansa, kaya gusto niyang masubukan na ito habang maaga pa.

BIGLANG LAKI SI Makisig Morales. Ipinagtapat ng dose-anyos na bagets na nagpatuli na siya last year. Nagkaroon ng iba’t ibang changes sa kanya, lalo na sa pagkanta. Ang boses daw niya ay nagka-crack na kapag bumibirit ng high notes.

Kaya nga nagbo-voice lessons uli si Makisig para mahasa ang kanyang boses – nagbibinata, ‘ika nga. Hinihintay na rin ang pagbibinata ni Makisig dahil sa paglitaw ng character niyang “Super Inggo,” kailangan daw ang projection niya ay teenager na.

Sa ngayon, siya pa rin ang nagda-dub sa character na ito sa animation series na naipalalabas sa ABS-CBN. For the meantime, susubukan sa drama at love story si Makisig bilang young Sid Lucero sa Mahal na Mahal Kita, bagong bubuksang teleserye ng ABS-CBN sa unang bahagi ng 2010.

Calm Ever
Archie de Calma

loading...

4 thoughts on “Rayver Cruz, itinangging nanligaw kay Sarah Geronimo! – Archie de Calma

Leave a Reply

Your email address will not be published.