Ratings ni PNoy, lalo pang bababa

INIHAYAG NG isang political analyst na patuloy pang bababa ang public satisfaction ratings ni Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III.

Ito ay matapos bumaba sa +49 o “good” ang public satisfaction ratings ng pa-ngulo mula sa +64 o “very good” nitong Hulyo, base sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).

Ayon kay UP Professor Clarita Carlos sa isang panayam, naging bahagi ng “disgusto” ng publiko ang matagal na resolusyon ng Zamboanga City crisis at isyu kay Janet Lim-Napoles.

Hindi pa aniya sakop ng posibleng dahilan ang DAP o Disbursement Accelearation Program dahil hindi pa ito pumuputok nang gawin ang pag-aaral.

Samantala, kung isasama pa ang isyu ng DAP at bonus sa mga government-owned and controlled companies (GOCCs), kumbinsido si Carlos na bababa lalo ang public satisfaction ratings ng punong ehekutibo.

Ang nangyayari aniya, hindi nasasapul ng kasalukuyang administrasyon ang inaasahan sa kanila ng publiko.

Maaalala na sinabi ng mga tagapagsalita ng Palasyo na naniniwala silang isyu sa PDAF ang nagpababa sa popularidad ng Pangulong Aquino, bagay na hindi umano dapat isisi sa kasalukuyang pamahalaan dahil ang mga pagwaldas ay naitala noong administrasyong Arroyo.

Sa panig naman ni Prof. Prospero De Vera, reaksyon ito ng taong-bayan at hindi kailangang pangatwiranan at sa halip ay dapat patunayan ng pamahalaan na iba sila sa lumang sistema.

Sinabi naman ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares na ang pagbaba ng rating ng pangulo ay simula pa lang dahil isang isyu pa lamang ang napagbasehan nito.

Kung idaragdag umano ang presidential pork barrel, DAP at iba pang kontrobersiya ay baka magmukhang halimaw na ang pamahalaan sa paningin ng publiko.

Sa kabilang dako, sa pagtatanggol naman ng mga kaalyadong mambabatas ng administrasyon, normal ang pagbaba at pagtaas ng ratings pero ang tunay na mahalaga ay ang pagganap ng angkop na trabaho ng punong ehekutibo.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.