RAPE SLAY VICTIM, INILIBING NA

SUMISIGAW PA RIN ng katarungan ang mga kaanak ng 13-anyos na ginahasa at pinatay noong nakaraang linggo sa San Juan City habang inihahatid ito sa kanyang huling hantungan.

Ganap na ala-1:00 ng hapon ay dinala ang labi ni Sheena Mae Robles sa Hulo Cemetery, Mandaluyong City para sa kanyang cremation.

Ayon sa mga kaanak ng biktima kung papayagan lamang ng batas ay nais nilang sa kanilang kamay magbayad ang mga suspek na sina Peter Jucarica, 30-anyos, tricycle driver at Jeffrey Election, 36-anyos, barker na naaresto ng pulisya.

Sinabi ni Miriam, ina ng biktima, na karumal-dumal ang ginawa sa kanyang anak dahil matapos gahasain ay pinukpok pa ng bato sa mukha at ulo na naging dahilan ng pagkamatay nito.

“Mga hayop sila, wala silang karapatan na mabuhay sa mundo. Dapat sa kanila ay bitayin,” anang ginang.

Nabatid na si Sheena Mae ay nag-iisang babae sa anim na magkakapatid, siya ang pang-apat at ang pangarap sa buhay ang maging isang guro.

Kasabay nito ay nananawagan ang pamilyang Robles sa Pangulong Noynoy Aquino na ibalik na ang parusang kamatayan sa kahalintulad na krimen o heinous crime.

Matatandaan na natagpuan ang naaagnas nang bangkay ng dalagitang biktima sa matalahib na bakanteng lote sa F. Blumentrit St., Brgy. Kabayanan, San Juan City noong Marso 6.

Apat na araw na nawala ang biktima makaraang magpaalam ito sa kanyang Tita na si Margie Robles na maghahatid lamang ng libro na kanyang hiniram sa kaklase pero hindi na ito nakabalik hanggang sa patay na nang makita.

Unang nadakip si Election makaraang magtungo sa himpilan ng pulisya noong Huwebes (Marso 10) at sinabing huli niyang nakitang buhay ang biktima na nakasakay sa tricylcle ni Jucarica.

Agad na nagsagawa ng follow-up operation ang San Juan Police na ikinahuli ni Jucarica at sa isinagawang interogasyon ay nagturuan ang dalawang suspek hanggang sa bandang huli ay umamin ang mga ito na silang dalawa ang may kagagawan ng karumal-dumal na krimen.          (GIGI CONVACAR)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.