Raket ni teacher

0949702xxxx – Mr. Raffy, nais ko po isumbong sa inyo ang guro ng aking anak. Ang pangalan po ng guro na ito ay si Violeta Rufino ng Victoria East Central School. Ang kanyang mga estudyante ay sinisingil ng halagang dalawang daang piso para raw po sa pambili ng electric fan. Ayos lang po sana kung talagang ibibili ng bentilador dahil mga anak naman namin ang makikinabang. Kaya lang po hanggang ngayon patapos na ang taon wala pa rin kaming bentilador na nakikita. At kapag po nag-absent ang kanyang estudyante, sisingilin ito ng dalawang piso at may kasama pa na palo sa kamay. Sana po ay mabigyan ninyo ng aksyon ang aming problema para matigil na ang kalokohan ng gurong ito.

 

0946405xxxx – Boss Raffy, ako po ay isang concerned citizen. Nais ko pong ireklamo ang Sta. Cruz Elementary School dito po sa lugar ng Antipolo City. Ang mga estudyante nila, kasama na po ang aking anak ay sinisingil ng isang daang piso bawat isa. Ito raw po ay para sa pambayad sa suweldo ng guwardiya. Hindi po ba mali ang kanilang ginagawang pani-ningil sa mga estudyante? Hindi na po dapat problema ng mga magulang ng mga estudyante ang bagay na ito. Huwag naman po sana kaming gatasan ng eskuwelahang ito. Sana po ay maipahatid ninyo ang bagay na ito sa tanggapan ng DepEd upang ipatigil nila ang mga maling gawain sa eskuwelahang ito.

 

0939128xxxx – Sir Raffy Tulfo, ako po si Angel ng Pampanga. Gusto ko pong ireklamo ang Mayor ng Guagua, Pampanga. Ito pong problema na ito ay na-media na at nangako ang aming Mayor na bibigyan ng aksyon ang bagay na ito. Pero kung makikita ninyo nananatiling baku-bako ang mga kalsada at talagang nakakaperhuwisyo sa amin. Nasaan po kaya ang nakalaang budget na sinasabi ni Mayor para maipagawa ang kalsadang ito? Napakatagal na po kaming nagtitiis. Sana po ay tulungan ninyo kami. Mabuhay po kayo.

 

0939560xxxx – Mr. Action Man, ako po ay isang concerned citizen. Hihingi po ako ng tulong para sa aming kalsada. Kahit po konting ulan lang ay bumabaha na sa amin. Nagawa na po naming ireklamo ito sa barangay pero nananatiling bingi ang kapitan  ng barangay. Hirap na hirap na po kami sa sitwasyon dito sa aming lugar. Mr. Tulfo tulungan ninyo kami na maiayos at masolusyunan ang aming problema. Kayo na lang po ang pag-asa namin. More power po sa inyong show.

 

0932301xxxx – Boss Idol, meron po akong irereklamo rito sa Litex Road. Isang bagong gawa na kalsada ang ginawang tindahan ni Kapitan Gabiola ng Commonwealth. Ito po ay talagang nakakaabala sa mga dumaraang sasakyan at dahilan para lalong sumikip ang daan. At maaari pa po magkaroon ng aksidente dahil sa mismong pagliko natatakpan ng tindahang ito ang daanan ng mga truck at jeep. Hihintayin pa ba namin na maaksidente ang aming mga anak bago magising ang aming kapitan. Tulungan po ninyo kaming kalampagin at gisingin ang aming kapitan.

 

Para sa inyong mga sumbong at reklamo mag-text sa 0917-7-WANTED o 0908-87-TULFO. Maaari ring magsadya sa aming action center na matatagpuan sa 163-E Mother Ignacia Avenue, Brgy. South Triangle, Quezon City.

 

 

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.