QC Hall at CQ Police, Inutil sa Naglipanang Pergalan

INUTIL DAW ang tanggapan ni Quezon City Mayor Herbert Bautista at ang opisina ng Quezon City Police District (QCPD) laban sa mga nagkalat ng peryahan na may kasamang color games sa iba’t ibang lugar sa nasabing lungsod kung saan pawang kabataan ang nalululong sa nabanggit na sugal.

Ayon sa mga constituent ni Bautista, mistulang umanong bulag, pipi at bingi ang nasabing alkalde dahil hindi nito nakikita ang mga naglipang operasyon ng color games sa kanyang nasasakupang lugar.

Wika pa ng mga taga-Quezon City, isang pipi si Bautista dahil wala umano itong kakayahan na pagsabihan ang mga pulis na pumapatong sa mga operator ng pergalan (peryahang may sugalan). Nagiging bingi naman daw ang naturang punong lungsod sa mga ibinabatong reklamo ng kanyang mga constituent sa malaganap na operasyon ng color games. At higit sa lahat laging nakasara ang dalawang mata ni Bautista sa mga iligal na aktibidades sa kanyang lugar.

Makikita ang pergalan sa Cubao, Westpoint, Aurora Boulevard na umanoy pag-aari ng isang alyas “Este”. Sa Retiro, Laloma, Quezon City ay pag-aari naman ng isang alyas “Emely”.

Matagal na panahon nang nakapuwesto ang mga nasabing peryahan sa mga naturang lugar at matagal ding panahon na maraming kabataan ang nalululong sa pagsusugal ng color games.

Napag-alaman mula sa ilang insider ng QC hall, talagang hindi mahihinto ang nasabing sugal dahil ilan umano sa mga pinagkakatiwalaan ng nasabing punog lungsod at ang kapulisan ang mga pasimuno at nagbibigay-proteksiyon sa mga peryante kapalit ng malaking halaga.

Hindi lang sa Quezon City talamak ang pergalan, at maging sa Brgy. Bangkal sa Evangelista Street sa Makati ay talamak din, gayundin sa PRC, Santa Ana na ang operator ay isang alyas “Rolly”.

Kaugnay nito, nanawagan ang residente sa Westpoint, Cubao at Retiro na kung maaari raw na gumawa ng hakbang si Mayor Bautista para tuluyang maipasara na ang nasabing iligal na pasugalan na salot umano sa kanilang lugar at maging sa mga kabataan.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.