QC-CIDG chief, sibak sa jueteng

KAUGNAY NG KANYANG “one-strike” policy laban sa iligal na Jueteng, sinibak sa puwesto ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) director Chief Supt. Samuel D. Pagdilao, Jr. si Central Metro Manila CIDG Team head, Chief Insp. Manuel M. Cube.

Ito ay matapos na i-raid ng mga tauhan ng CIDG ang isang Jueteng den sa Quezon City na gumagamit pa ng mga menor de edad bilang mga kubrador noong Martes ng gabi, kung saan 13 suspek ang naaresto.

Sinabi pa ni Pagdilao na irerekomenda rin niya kay PNP chief Director General Raul Bacalzo ang pagsibak din sa puwesto ng pinuno ng Quezon City Police-Community Precint na may hurisdiksyon sa Barangay Holy Spirit, kung saan nadiskubre ang operasyon ng Jueteng.

Sa isinagawang raid ng pinagsanib na operatiba ng CIDG Women and Children Protection Division at CID Special Task Force maverick, ni-raid ang Jueteng den sa Brgy. Holy Spirit bandang alas-8:00 ng gabi matapos ang ilang araw na pagmamanman.

Arestado sa nasabing raid si Rita Tottoc, 56; Maricel Bantaotao; 60; Leonila Arambulo, 79; Marissa Macabalitao, 35; Agustito Rias, 45; Romulo Soleta, 65; Ivan Narag, 18; Jonathan Escano, 25; Teddy Odencial, 40; Leopoldo Alipara, 61; Milagros Manatad, 54; Leah Sandagan, 41; at Armando Capili, 42, pawang mga residente ng Quezon City.

Sinabi ni Pagdilao na wala sa nasabing lugar ang hinihinalang operator at financier ng Jueteng den na kinilala lang sa alyas na “Don Ramon” nang isagawa ng nasabing raid.

Na-rescue naman ng mga nang-raid ang dalawang menor de edad na ginagamit ng mga nag-o-operate ng Jueteng bilang tagadala ng mga taya. (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.