Purok Leader, Patay; Isa pa, Sugatan sa Riding-In-Tandem

ISANG PUROK leader ang napatay, habang isa pa ang nasugatan, makaraang ang una ay barilin ng isa sa dalawang riding in tamden na sinasabi umanong may kinalaman sa pulitika sa Caloocan City noong nakalipas na Martes ng hapon.

Si Manny Cope, 45, may-asawa, purok leader at nakatira sa Phase 1, Package 2, Block 5, Lot 4, Brgy. 176, ay namatay sa lugar mismo ng pinangyarihan ng insidente sanhi ng tama ng bala ng hindi nabatid na kalibre ng baril sa ulo.

Kasalukuyan namang ginagamot sa East Avenue Medical Center si Gilbert Suarez, nasa hustong gulang, at kapit-bahay ng napatay na biktima sanhi ng isang tama ng bala ng baril sa kaliwang siko.

Base sa ulat ni SPO1 Allkan Budios, may hawak ng kaso, dakong alas-2:30 ng hapon nang maganap ang nasabing insidente sa harap ng bahay ng biktima sa nabanggit na lugar.

Nabatid na bago umano maganap ang pamamaril, ang biktima at si Suarez ay nakitang nag-iinuman sa harap ng bahay ng napatay na biktima nang biglang dumating ang dalawang hindi nakikilalang suspek sakay ng isang motorsiklo at pawang armado ng baril.

Isa sa mga suspek ay walang sabi-sabing pinutukan si Cope sa ulo na nagresulta sa maagang pagkamatay ni Cope, ang bala na tumama sa napatay ay naglagos sa leeg na tumama naman sa siko ni Suarez.

Matapos nito ay mabilis na nagsitakas ang dalawang suspek sakay ng kanilang getaway na motorsiklo na walang plate number sa hindi nabatid na direksiyon.

Ayon sa ilang kalugar ng mga biktima, malaki ang kanilang paniniwala na pulitika ang sanhi ng pagkamatay ni Cope dahil bago umano maganap ang nakalipas na halalan ay nag-iba ito ng sinuportahang pulitiko.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.