Punkista o taong-bangketa?

BAGO ANG LAHAT, sisimulan ko ng dalawang katanungan ang espasyong ito. Una, ano ba ang dapat na ayos ng isang abogado – lalo pa kung ito ay may mataas na puwesto sa gobyerno, kapag siya ay pupunta sa isang hearing?

At pangalawa, tama lang ba na ipamaneho ang sasakyan ng isang ahensiya ng gobyerno sa empleyado nito na lasing at walang lisensiya?

Pero ang legal officer ng Bureau of Fire na si Atty. Jimbert Cerezo ay isang bukod ta-nging opisyal ng gobyerno. Hindi ko alam kung anong bagay na itawag sa kanyang klaseng pagpopostura – hiphop, punkista o taong-bangketa?

Noong February 24, bandang 11:45 ng gabi habang binabagtas ni Rowel Daz ang family car ng kanyang amo sa may North Edsa, bigla itong binangga ng pasuray-suray na Nissan Sentra. Sa mga larawan na ipinakita ni Daz, matindi ang tama sa gilid ng kanyang minamanehong sasakyan – animo’y inararo ito ng malalalim na gasgas.

Hinabol ni Daz ang patakas na Nissan Sentra. At nang maabutan niya ito’t ma-corner, bumaba ang driver na nangangamoy alak at nagpakilalang attorney ng Bureau of Fire. Nakasuot ng sando si attorney. Naka-shorts at tsinelas din lang siya. Pero sa kanyang leeg, nakasabit ang isang makapal na kuwintas at palawit nito na kung tawagin ay bling-bling – ayon na rin kay Daz.

Pagdating ng presinto, nagpakilala si attorney sa mga pulis at sinabi niyang siya ay si Jimbert Cerezo na taga-Bureau of Fire. Wala siyang maipakitang lisensiya dahil ayon sa kanya ay nag-a-apply pa lamang daw siya. Sa police blotter sa insidente, nakasaad na si Cerezo ay lango sa alak.

Nakausap ng inyong SHOOTING RANGE si Cerezo. Ayon sa kanya, hindi raw niya naramdaman ang nangyaring pagkakabangga niya sa sasakyang minamaneho ni Daz. Isang bote lang daw ng serbesa ang kanyang nainom. At kaya raw siya naka-sando, shorts at tsinelas sapagkat bibiyahe pa lang daw siya patu-ngong Baguio para um-attend sa isang investigation hearing na isinasagawa ng Bureau of Fire.

Inamin ni Cerezo na bagamat wala pa siyang dri-ver’s license pero may pending application naman daw siya para rito.

Nakausap din ng inyong SHOOTING RANGE ang amo ni Cerezo na si Atty. Jerry Candido, ang chief legal officer ng Bureau of Fire. Sinabi ni Candido na sa pagkakaalam niya, may pupuntahan ngang hearing si Cerezo at ito ay otorisado na magdala ng sasakyan ng kanilang tanggapan. Ngunit sinabi din ni Candido na hindi niya alam na wala palang driver’s license si Cerezo. Puwede naman daw kasi sanang ipinamaneho nito ang sasakyan sa isa sa mga driver ng Bureau of Fire na may lisensiya.

Sa ngayon, nahaharap sa kasong administratibong grave misconduct si Cerezo na isasampa ni Daz sa DILG sa tulong ng WANTED SA RADYO (WSR).

ANG WSR AY MAPAPAKINGGAN sa 92.3 FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay isang teleradyo na mapapanood din sa Channel 41 – na isang free channel. Sa Cignal Cable ito ay nasa Channel 1 at Channel 7 naman sa Destiny Cable. Sa Davao at Cebu ito ay mapapanood sa Channel 29.

Mamayang gabi, isa na namang makabuluhang bakbakan ang inyong matutunghayan sa bagong maaksyong episode ng WANTED sa TV5 pagkatapos ng Aksyon Journalismo (late night news).

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.