Pumatay sa Negosyante, Patay Rin sa Nakasaksing Pulis

ISANG SINASABING underworld character na pumatay sa isang negosyante ang napatay rin matapos na makipagbarilan sa isang pulis habang ang una at tatlong kasamahan nito ay pinasusuko sa Caloocan City, iniulat ng pulisya kahapon ng umaga.

Namatay sa lugar ng pinangyarihan ng insidente sanhi ng mga tama ng bala ng .9mm pistol ang suspek na si Anthony Pedrosa, 32, walang asawa, taxi driver at kasalukuyang naninirahan sa # 4246 Block 7, Sawata, Brgy. 38 ng nabanggit na lungsod.

Namatay rin sa lugar ng pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Gil Figueroa, 32, negosyante, tubong-Iloilo at residente ng # 60 Tora St., Maypajo, Brgy. 31, Dagat-Dagatan, Caloocan City matapos na likidahin ng grupo ni Pedrosa.

Base sa ulat ni PO2 Romel L. Bautista, ng SIDMB ng Caloocan PNP at may hawak ng kaso, bandang alas-8:40 ng gabi nang maganap ang nasabing insidente sa kahabaan ng Talilong cor. Tuna Sts., Brgy. 31.

Lumalabas sa isinagawang imbestigasyon ni PO2 Bautista, kasalukuyan naglalakad si Figueroa sa nasabing lugar nang biglang lumitaw si Pedrosa at tatlong kasamahan nito.

Isa sa mga kasamahan ni Pedrosa ay walang sabi-sabing pinagbabaril ang biktima na nagresulta sa agarang kamatayan nito.

Sa kabila ng wala nang buhay na nakahandusay sa kalsada si Figueroa ay pinagbabaril din ito ni Pedrosa, subalit lingid sa kaalaman ng mga suspek ay nasa lugar ng pinangyarihan ng insidente si P/Chief Inspector Michael C. Garcia at kanyang nakita ang buong pangyayari habang sakay ng kanyang kotse.

Dahil sa tawag ng tungkulin, mabilis na bumaba ng kanyang sasakyan ang nasabing pulis at agad na nagpakilalang alagad ng batas at pinasusuko nito ang mga suspek. Sa halip na sumuko, pinagbabaril pa ng mga suspek ang pulis.

Dahil dito, gumanti ng putok si Garcia na nagresulta naman sa pagkamatay ng suspek na si Pedrosa habang ang mga kasamahan nito ay mabilis na nagsitakas.

Nabatid mula sa pulisya, ang napatay na suspek at ang grupo nito ay sinasabing mga hired killer umano at responsable rin sa mga nagaganap ng holdapan sa Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela (CAMANAVA) area.

Narekober sa lugar ng insidente ang mga sumusunod: dalawang .45 fired cartridge cases; isang .9mm fired cartridge case; isang 45 cartridge; at isang inside holster ng hindi nabatid na kalibre ng baril.

(ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.