Pumatay sa Caretaker ng Auto Supply, Arestado

AGAD NA nadakip ang mga operatiba ng PNP ang isa sa dalawang suspek na responsable sa pagpatay sa pamamagitan ng saksak sa isang lalaking caretaker ng auto supply sa Brgy. Salacot, San Miguel, Bulacan Sabado ng madaling-araw.

Sa ulat na ipinadala ni P/Supt. Marc Rivero kay PNP Provincial Director P/Sr. Supt. Joel Orduna, kinilala ang nadakip na suspek na si Kenneth Brenson Y Sumbe, 23 anyos tubong-Samar,residente ng Baseco Comp., Tondo, Manila, habang pinaghahanap pa ang kasamahan nito na si Alyas Jeremy. Samantala, ang biktima ay nakilalang si Edward Venancio Y Davao, 23 anyos, binata, stay-in caretaker ng auto supply, tubong Masbate, at residente sa nabanggit na barangay.

Base sa inisyal na imbestigasyon ni PO1 Leo Crispin Arganda, dakong ala-1:00 ng madaling-araw nang pasukin ng mga suspek ang naturang establisimyento, kung saan plano sanang pagnakawan ng dalawang suspek nang matunugan ng biktima ang kilos ng mga ito.

Nabatid na agad tumawag sa kanyang amo ang caretaker nang bigla na lamang itong saksakin sa leeg at dibdib, at nilaslas din ang pulso nito na naging dahilan ng agad nitong pagkamatay, kung saan naisugod pa sa pagamutan ang biktima subalit idineklara itong dead on arrival.

Kinuha rin ng mga suspek ang 12 gauge shot gun na gamit ng caretaker at mabilis na tumakas, subalit natanaw ito ng mga nagrorondang pulis.

Sa tulong nga mga barangay tanod, agad na nahuli ang suspek, na puno ng putik ang katawan at may mga bahid din ng dugo ang damit nito.

Samantala, detenido ngayon ang suspek sa San Miguel Municipal Jail habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanya.

(TONY DELA PEÑA)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.