Pumalag sa mga Holdaper; Ginang, Agaw-Buhay

KRITIKAL ANG isang ginang matapos barilin ng isa sa tatlong hindi pa kilalang mga holdaper nang pumalag ang una sa Valenzuela City kamakalawa ng hapon.

Inoobserbahan sa Meycauayan Doctors Hospital sanhi ng tama ng bala sa kaliwang bahagi ng dibdib si Norma Palomares, 38, ng Coloong 1 ng lungsod.

Batay sa ulat, dakong ala-1 ng hapon, may dalang pera na nagkakahalaga ng P550,000 ang biktima at habang naghihintay ng masasakyan kasama ang 2 taong gulang na anak na lalaki sa terminal ng tricycle sa M. H. Del Pilar St., Malanday ng lungsod ay nilapitan ng dalawa sa tatlong suspek.

Agad na sinunggaban ng isa sa mga suspek ang dalang bag ng biktima na naglalaman ng nasabing halaga at pumalag ang ginang at nakipag-agawan.

Nagbunot ng baril ang suspek na nakikipag-agawan at pinutukan ang biktima na naging dahilan upang mabitawan ang bag.

Mabilis na dinampot ng mga suspek ang bag bago sumakay sa isa pang kasama na may dalang motorsiklong hindi na nakuha ang plaka bago nagsitakas.

Dinala naman ang biktima sa MDH kung saan inaalam na ng mga pulis kung sino ang mga suspek.

(MARY H. SAPICO)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.