Pumalag sa Holdap: Lalaki, Grabe sa Tusok

NASA KRITIKAL na kalagayan ngayon sa pagamutan ang isang 25-anyos na lalaki nang pagsasakin ng isa sa tatlong hindi nakikilalang holdaper makaraang pumalag ang biktima habang hinoholdap sa loob ng isang pampasaherong dyip sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ng Caloocan City Police Station ang biktimang si Jonathan Bonina, 25, ng Sta. Quiteria ng nabanggit na lungsod, kung saan ito ngayon ay nakaratay sa Pres. Diosdado Macapagal Memorial Medical Center sanhi ng mga tinamong tama ng saksak iba’t ibang parte ng katawan at batok.

Base sa ulat ng nasabing himpilan ng pulisya, dakong alas-3:00 ng madaling-araw nang maganap ang nasabing insidente sa kahabaan ng 11th Avenue, Rizal Avenue Extention.

Nabatid na ang biktima ay saksay ng isang pampasaherong dyip, gayundin ang mga hindi nakikilalang holdaper, at pagsapit sa nasabing lugar, isa sa mga suspek ang nagdeklara ng holdap at isa-isang kinuha ang mga mahahalagang gamit ng iba pang mga pasahero.

Sa puntong kukuhanin ng mga suspek ang mga gamit ng biktima ay dagliang pumalag ito dahilan upang pagsasaksakin ito ng ice pick sa iba’t ibang parte ng katawan at batok ng isa sa mga suspek at pagkatapos ay mabilis na nagsibaba ng nasabing sasakyan para tumakas.

Ang biktima ay agaran namang dinala sa nasabing mapamutan kung saan ito ay patuloy na inoobserbahan ng mga manggagamot.

Sa kasalukuyan, ang Caloocan City Police ay patuloy na nagsasagawa ng pagtugis sa mga nagsitakas na mga holdaper.

(ROMAN MAGPOC)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.