Pulpol na Holdaper, Tiklo sa Sim Card

MARAHIL AY kulang pa ang kinita sa isang gabing panghoholdap ng dalawang pampasahe-rong jeep nang maaresto ang dalawang holdaper matapos kumagat sa pain na tutubusin ng halagang P5,000 piso ang sim card ng isa sa mga nabiktima nila.

Sa ulat na tinanggap ni Bulacan Provincial Director Senior Supt. Fernando Mendez, Jr., kinilala ang mga nahuling suspek na sina Resty Villaruel, 23 anyos, binata, residente ng Block 35, Lot 51, Brgy. Minuyan III; at Ferdinand Haloc, 21, ng Road 14, Block 34, Lot 2, Brgy. Minuyan IV, San Jose del Monte City.

Ayon kay Supt. Raniel Valones, SJDM City police chief, naganap ang unang insidente ng panghohol-dap bandang alas- 2:30 ng umaga ng Sabado sa Brgy. Cristo, kung saan hinoldap ng dalawang suspek ang pampasaherong jeep na sinasakyan ng biktimang si Zhairine Ocba na nakuhanan ng cellphone at P1,500.

Makalipas ang 30 minuto, muli na namang nangholdap ng pampasaherong jeep ang mga suspek at nabiktima sina Zenit Piquero at Charise Macalino, na nakuhanan ng cellphone at Php1,500.

Nang matanggap ng mga operatiba ng SJDM City ang report ng naganap na panghoholdap, agad na nagsagawa ng isang entrapment operation para madakip ang mga suspek.

Pinakiusapan ng mga pulis na i-text ng isa sa mga biktima ang kanyang cellphone na kunwari ay tutubusin ng halagang P5,000 ang kanyang sim card dahil lubhang mahalaga ang mga contact numbers na nandoon.

Agad namang nag-reply ang mga suspek at pumayag na magkita sila ng biktima sa Towerville Subd., Brgy. Minuyan Proper, SJDM City.

Agad na hinuli ng mga pulis ang mga suspek nang positibo itong kilalanin ng mga biktima.

Kasalukuyang nakadetine ang mga suspek sa SJDM City Jail.

(TONY DELA PEÑA)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.