Pulis, wanted sa pamamaril

TUGIS NGAYON NG kanyang mga kabaro ang isang pulis matapos itong ireklamo dahil sa ginawang pagpapaputok ng baril nang magkaroon ng komosyon dahil sa pagkakabangga ng una sa mga nagsasayaw sa kalsada gamit ang kanyang motorsiklo sa Malabon City kamakalawa ng gabi.

Si PO2 Ronald Beran, nasa hustong gulang, nakatalaga sa Police Community Precinct (PCP) 6 ng Malabon City Police ay kasalukuyang pinagha-hanap upang papanagutin sa kanyang ginawang walang habas na pamamaril.

Himala namang hindi tinamaan ng bala ng baril ang biktimang si Junar Blas, 47, tanod ng Brgy. Concepcion, Malabon City na dalawang ulit na pinaputukan ni Beran.

Sa imbestigasyon ni PO3 Edsel dela Paz, may hawak ng kaso, naganap ang insidente dakong 11:48 ng gabi sa kahabaan ng Governor Pascual Avenue, Brgy. Concepcion.

Kasalukuyang nagdiriwang ng pagsalubong sa bagong taon ang mga residente sa naturang lugar sa pamamagitan ng pagkakaroon ng street party nang mapadaan ang pulis na si Beran na sakay ng kanyang motorsiklong Yamaha Mio.

Dahil sa pagmamadali ni Beran na makaalpas sa mga nagkakasiyahang residente ay hindi nito napansin ang papatawid na sina Joseph Medina, 26 at Alme Marin, 28 na nasagi nito ng kanyang motorsiklo.

Dahil dito, bumagsak sa kalsada sina Medina at Marin samantalang nagpakilala naman si Beran na alagad ng batas upang hindi ito pagkaisahan ng mga taong nagsisiya sa kalsada.

Sa pagkakataong ito ay lumapit ang tanod na si Blas ngunit sa hindi malamang dahilan ay bigla na lamang nagalit ang pulis na si Beran hanggang sa magkaroon ng mainitang pagtatalo.

Dito, dalawang beses na pinaputok ni Beran ang kanyang baril. Agad namang rumesponde ang kanyang mga kasamahan at inaresto ito subalit nang patungo na sa himpilan ng pulisya ay bigla na lamang tumalon sa motor ang suspek saka mabilis na tumakas.

(MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.