Pulis na Umaresto kay Moreno, Hinarass Umano ni Erap

HINARASS AT tinakot umano ni dating pangulong Joseph Estrada ang isang pulis-Maynila na umaresto kay Vice Mayor Isko Moreno sa Sta. Cruz, Maynila noong Sabado.

Ayon kay Chief Inspector Ed Morata ng Manila Police District (MPD) Station 3, pinagsusuntok umano siya ni Estrada at tinakot pa dahil sa pang-huhuli sa kaalyado nilang si Moreno.

Samantala, bagama’t aminadong nainsulto sa ginawa ng dating pangulo, sinabi ni Morata na wala siyang planong maghain ng kasong direct assault laban dito.

Sinabi ng tinyente na ayaw niyang magpagamit sa pulitika at ginagawa niya lang ang tungkulin niya bilang isang alagad ng batas.

Hindi naman nagkomento si MPD Station 3 commander Superintendent Ric Layug sa isyung nakainom ang dating pangulo nang dumalaw kay Moreno sa naturang  istasyon.

Sinabi ni Layug na wala siya sa posisyon para matiyak kung nasa impluwensiya ng alak ang dating pangulo at bahala na aniya ang publiko na humusga rito.

Sa isang panayam, tinawag ni Estrada na sinungaling ang pulis na nagsabing nanuntok at nagbanta siya.

Magugunitang sinabi ni Chief Inspector Ed Morata ng Manila Police District (MPD) Station 3 sa isang press conference na sinuntok siya ni Erap at binantaang aalisin pag-upo sa puwesto tatlong buwan mula ngayon.

Mariin namang itinanggi ni Estrada ang paratang ni Morata. Pinag-aaralan na aniya ng kanilang mga abogado ang pagsasampa ng patung-patong na kaso sa mga pulis.

Samantala, hanggang ngayon, naniniwala si Erap na sangkot ang alkalde ng Maynila na si Alfredo Lim sa pagkakaaresto ni Moreno.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.