Pulis-Maynila, Tameme sa Iligal na Sugal at Droga

WALA UMANONG ginagawang aksiyon si Manila Mayor Alfredo Lim at maging ang hepe ng Sub-Station 7 sa mga nagkalat ng drug pusher at operasyon ng bookies ng karera at video karera machine sa ika-2 distrito ng nasabing lungsod.

Ayon sa mga residente sa mga area ng Barrio Obrera, Matang Tubig, Manuguit, Solis, at Juan Luna, naglipana ang mga drug pusher at user sa kani-kanilang lugar na wala man lamang ginagawang kaukulang aksiyon si Mayor Lim at ang commander ng SS-7 na si P/Supt. Mariano.

Nagkalat din ang bookies ng karera ng kabayo at video karera machine na ino-operate umano ng ilang tiwaling kagawad ng Manila police at mga “untouchable” gambling lord sa lungsod ng Maynila.

Sinabi pa ng residente ng mga nabanggit na lugar, nakikita naman daw nila na nang-huhuli ang mga kagawad ng SS-7 ng mga pushers at users, operator at maintener ng bookies at video karera machine, subalit nagtataka sila na ilang oras lamang ang nakalilipas ay nakikita na nila ang mga nahuli sa labas ng presinto at itinutuloy ang kanilang iligal na aktibidades.

Sinabi naman ng ilang insider ng Station 7, kaya umano madaling makawawala ang mga huli ay dahil umano nakapaghahatag ng malaking halaga kapalit ng kani-kanilang kalayaan.

Pero kung ang isang huli ay wala panghatag o panlagay ay kakasuhan sila at ang iba ay palit-ulo sa mga big time drug pushers.

Sa Barrio Obrero, hayagan ang operasyon ng bookies ng isang kilalang pulis, gayon din sa lugar ng Solis, Matang Tubig, Juan Luna at Manuguit na kaya hindi binubuliglig ay nagbibigay umano ang mga ito ng lingguhang parating sa SS-7 commander.

(ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.