Pulis-Maynila, Pinigilan ang Pa-Raffle ng mga Anti-Lim na Konsehal
May Utos Daw Galing Sa Itaas!

DALAWANG KONSEHAL ang nasaktan sa marahas na paglusob ng mga pulis-Maynila sa isang pa-raffle sa Paco.

Sina Konsehal Cristy Isip at Konsehal Che Borromeo ay itinakbo sa ospital matapos ma-high blood at masugatan nang inagaw ng mga pulis sa ilalim ni Col. Ferdinand Querante ang tambiolo mula sa kanila. Mayroong medical certificate ang dalawa na nagpapatunay na sila ay nasaktan.

Nagsimula ang pa-raffle ng mga konsehal para sa mga taga-Barangay 683 ng Paco, Maynila alas-otso ng gabi Pebrero 6 sa General Luna Extension sa Paco. Sinubukang itigil ng mga pulis ang raffle. Ayon kay Isip, sinabi ng mga pulis na aarestuhin daw ng mga ito sina Isip, Borromeo, at sina Konsehal Eric Valbuena, Konsehal Ric Ibay at Konsehal Mon Yupangco. Nang tinanong ng mga konsehal kung mayroon bang warrant of arrest ang mga pulis o kahit anong order na magbibigay ng basehan ng sinasabing pagpapa-aresto sa kanila, wala namang maipakita ang mga pulis. “Ang sinabi lang sa amin ng mga pulis, ‘May order galing sa itaas,’” sabi ni Isip. “Hindi namin alam kung ano ang ibig sabihin noon dahil wala naman kaming nilalabag na batas.”

Nang ipinagpatuloy ng mga konsehal ang raffle, kasama ng mga pulis na hindi naka-uniporme, inagaw ng mga tauhan ni Querante ang tambiolo mula sa mga konsehal.

“Wala kaming makitang ibang dahilan para gawain nila ito kundi pulitika. Ang mga pulis ay walang order o ano mang papel na magpapatibay na pwede nilang itigil ang aming pa-raffle,” ani Borromeo.

Ang mga nasaktang konsehal ay kasama sa line-up ni dating Pangulong Joseph Estrada at Vice Mayor Isko Moreno sa ilalim ng partidong United Nationalist Alliance o UNA laban kay Mayor Alfredo Lim.

May mga 500 tao ang dumayo sa pa-raffle ng mga konsehal.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.