Pulis at Welder, Nagbarilan

SUGATAN ANG PULIS at ang welder matapos magbarilan ang mga ito nang sitahin ng una ang huli habang bumibili ng sigarilyo sa isang tindahan kahapon ng tanghali sa Caloocan City .

Kapwa isinugod sa Commonwealth Hospital and Medical Center sa Quezon City sanhi ng tama ng bala ng baril sa katawan sina Ernesto Jimenez, 44, may-asawa, naka-assign sa Aviation Security Command (AVESCOM) at residente ng No. 16 Narra Avenue, Pangarap Village, Brgy. 181, Caloocan City; at Juan Suela, 48, binata, ng Block 11, Lot 14, Mount Everest St., Mountain Heights Subd., Brgy. 183, ng nasabing lungsod.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-12:30 ng tanghali nang maganap ang insidente sa tapat ng sari-sari store sa Mount Baloy St., Mountain Heights Subd., Brgy. 183.

Ayon sa saksing si George Rosatazo, 61, may-asawa, kausap niya si Jimenez sa tapat ng tindahan nang dumating Suela na may sukbit na baril at bibili ng sigarilyo. Dito, sinita ni Jimenez si Suela at sinabihan ito ng “Kuting Demonyeto Ka”.

Sinabi naman ni Suela na para hindi na humaba pa ang usapan at mauwi sa gulo ay umalis na ito sa tindahan subalit binunot ni Jimenez ang .9mm kalibre na baril at pinutukan si Suela na tinamaan sa kaliwang bahagi ng katawan.

Gumanti naman si Suela at binunot nito ang hindi pa malamang kalibre na baril at pinaputukan si Jimenez na tinamaan naman sa kaliwang hita.

Agad namang dinala ng kanilang mga kaanak sina Jimenez at Suela sa nasabing pagamutan upang lapatan ng lunas ang tinamong sugat.

Si Jimenez ay nahaharap sa kasong Frustrated Homicide, samantalang Frustrated Homicide at RA 8294 naman kay Suela.      (MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.