Pulandit:Hindi matino si Justice Davide

HINDI NATIN GUSTONG makitang nakakulong si Gloria Macapagal-Arroyo.
Totoong marami rin siyang naging kasalanan sa bayan pero dapat din siyang bigyan ng kredito sa kanyang mga magagandang nagawa.
Palagi kong sinasabi sa mga kuwentuhan na kung hindi lamang nangyari ang Hello Garci, ang fertilizer scam at ang ZTE scam, si GMA ang isa sa pinakamagaling na naging pangulo.
Bibigyan mo rin ng kredito si GMA sa kanyang kasipagan. Ang work attitude ni GMA ay hindi matutumbasan ng kahit sinong naging Pangulo.
Marami akong nakakausap na negosyante. Hindi basta negosyante ang aking tinutukoy. Kabilang ito sa mga big boss ng top company sa bansa.
Lahat sila ay sinasaluduhan ang economic policy ni GMA. Dumanas man ng krisis ang buong mundo, hindi gaanong naapektuhan ang bansa dahil nga sa maraming steps na ginawa ng pamahalaan.
Ang mabigat na bagahe talaga ni GMA bukod sa mga eskandalo ay ang mister niyang si FG at ang anak na si Mikey.
Kaya nga nalungkot akong marinig na may nag-boo pa kay GMA sa kanyang pag-alis sa Grandstand.
Bilang tunay na Pinoy at nagmula sa mabuting lahi, hindi angkop ang inasal ng iba sa atin sa inauguration, lalo na’t babae si GMA na isang ina at lider din ng bayan.
Kahit anong galit natin, hindi gawa ng edukadong tao ang pambabastos, lalo na sa Pangulo.

ISA PANG IKINALULUNGKOT natin ay ang pagkakahirang kay Hilarious Davide bilang chairman ng Truth Commission na mag-iimbestiga kay GMA at sa mga nangyaring anomalya sa nakaraang administration.
Tainted o may bahid ng dumi ang kredibilidad ni Davide dahil unang-unang tumanggap ito ng appointment matapos niyang pasumpain si GMA bilang presidente sa kainitan ng Edsa dos.
Ang mabigat dito kay Davide, nang makitang panalo na si Noynoy at patapos na ang termino ni GMA, kaagad itong nag-resign bilang permanent UN representative.
At sa kanyang pag-alis, dalawang buwan bago ang eleksiyon, inakusahan na si GMA at ang administrasyon nito bilang corrupt kaya hindi niya masikmurang manatiling appointee.
Anong klaseng tao ito kung tao man siyang matatawag?
Naniniwala akong hindi makatutulong kay GMA ang pagiging hepe ni Davide dahil umpisa pa lamang ay pagdududahan na ang magiging hatol ng komisyon.
Mas lalong magiging masama ang tingin ng marami kay GMA sa situwasyong ito.
Hindi malayong sa kagustuhang magpaandar ni Davide kay Noynoy ay hatulan niya si GMA kahit hindi sapat ang magiging ebidensiya.
Ang kailangan natin ngayon ay matitinong tao sa gobyerno.
At para sa kaalaman ni Pangulong Noynoy, hindi kasama rito si Davide.

allanpunglo@yahoo.com

Pulandit
Allan Encarnacion

loading...

2 thoughts on “Pulandit:Hindi matino si Justice Davide

  1. Ito namang si princess, bugok ang pag-iisip. Tapos na ang eleksyon tumigil kana, kampon ng dilaw. Tingnan mo nalang mabuti ang mas bugok na kapalit ni GMA. Mas maraming pumalit na mga magnanakaw ngayon dahil sa dami ng pinagkakautangan ni Pnoy.

  2. Palagi kong sinasabi sa mga kuwentuhan na kung hindi lamang nangyari ang Hello Garci, ang fertilizer scam at ang ZTE scam, si GMA ang isa sa pinakamagaling na naging pangulo.

    OO NA!! Pinakamagaling na si Gloria mo. Dahil ang dami niyang nanakaw sa kaban ng bayan. Lalo tayong naghirap! Kaya iyan masipag hindi para sa Pilipinas kundi para sa bulsa niya. Masipag mag isisp at ginagabi sa trabaho dahil kakaisip kung ano pa ang makukuha sa kaban ng Pinas!! Huwag mong sabihin sa akin na HINDI NIYA gusto ang ginagawa ni Mike at anak niyang Mike din. Pareho silang mga bugok na itlog ng Pilipinas. Masahol pa sila ke Ferdinand Marcos.

Leave a Reply

Your email address will not be published.