Pulandit: Sa Ngalan ng Ama…

FATHER’S DAY NA naman pala kahapon.

Mabilis talaga ang takbo ng panahon, hindi mo namamalayan, dumadaan na ang maraming okasyon.

Naniniwala akong ang okasyong ito ay isa sa dapat mapagtuunan ng pansin ng maraming mga anak.

Sa tatay nagsisimula kung ano man ang situwasyon sa loob at labas ng bahay.

Si tatay ang talagang tsuper ng buong sasakyan na kung tawagin ay tahanan.

Siya ang magiging gabay ng lahat ng tao sa loob ng bahay. Kung saan sila pupunta, kung saan sila titigil.

Kung mahalaga ang nanay sa loob ng bahay, naniniwala akong mas mataas ng isang bahagdan ang kahalagahan ng isang tatay.

Bagama’t si nanay ang ilaw na tanglaw sa loob ng bahay at siya ring lahat ang nag-aasikaso ng mga pangangailangan mula sa medyas ni bunso, palda ni ate hanggang sa polo ni tatay.

Pero higit sa kanino man, tatay ang talagang matibay na moog sa isang maayos na tahanan.

Si tatay ang provider ng lahat sa loob ng bahay mula sa karayom hanggang sa bubungan.

Ang kilos ni tatay ang madalas maging gabay ng mga anak. Kaya nga maraming pagkakataon na kung mabisyo ang tatay ay ganoon din ang nagiging kaisipan ng anak.

Mayroon din namang ibang anak na hindi naiimpluwensiyahan ng anumang bisyo ng kanilang tatay subalit madalang iyon.

Sa tuwing naiimbitahan akong mag-ninong sa kasal, mayroon akong palaging isinasama sa aking speech na gusto kong i-share sa inyo.

Pagkatapos kong batiin ang bagong kasal, nagmimistula na akong pastor sa mga susunod na linya.

Ang palagi kong payo ay palaging nakapokus sa groom. Bago kahit maging successful siyang engineer, architect, lawyer, painter, carpenter o kahit ano pang propesyon, failure pa rin ang tingin ko sa kanya kung hindi siya magaling na tatay.

Naniniwala akong kahit makapagtayo ka pa ng mas mataas na tore sa Taipei 101 or Burj Dubai or Eiffle Tower ay hindi ka pa rin lubusang matagumpay kung ang iyong mismong pamilya ay gigiray-giray.

Ang matayog na katagumpayan ng isang tatay ay hindi ang pagkakaroon ng maraming pera at maraming bahay. Ang kailangan mo’y makabuo ka ng pamilyang may sapat lang na pangangailangan, maigagabay ang mga anak sa maayos na kaugalian at magiging bahagi ng maayos na pamumuhay.

Sa bawat tatlo o apat na batang maigagabay ng tatay at nanay sa magandang pag-uugali ay nababawasan mo ng tatlo o apat na problema ang ating lipunan.

Sa panahong maraming kabataan ang naliligaw ng landas, dito natin kailangan ng mga tatay na gagawa ng matuwid na daanan para sa kanilang mga anak.

Ang pagkakaroon ng PhD or doctorate sa pagiging tatay ang tunay na sukatan ng katagumpayan hindi lamang para sa pamilya bagkus ay sa kapakinabangan ng bayan.

Happy Father’s Day!

allanpunglo@yahoo.com

Pulandit
Allan Encarnacion

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.