Pulandit: Puno na ang salop, Judge!

MALAPIT NANG HATULAN ang dating humahatol.

Si Judge Nahilo na may sariling sala sa isang RTC sa Metro Manila ang sentro ngayon ng tawanan at imbestigasyon ng Korte Suprema.

Pinagtatawanan siya dahil naisahan siya ng isang pipitsuging abogado.
Ang problema, pinagtatawanan na, mukhang matatanggalan pa ng karapatang maging trial judge o maging practicing lawyer.

Disbarment ang nakaabang at posible pang makulong dahil sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Pinagkakitaan ni Judge ang kanyang robe. Sumampa sa kanyang sala ang isang civil case laban sa isang ahensiya ng gobyerno.
Isinampa ito ng isa sa pinakamalaking construction company na gustong makaisa sa pamahalaan.

Matindi si Judge, hindi pa man nagkakaroon ng pre-trial, nag-isyu na agad ito ng desisyon.

Pina-freeze ang asset at pinakukumpiska sa ahensiya sa pamamagitan ng garnishment order.

Sa takot ng ahensiya, sumuko ito sa pribadong kumpanya kaya kanila itong binayaran ng daan-daang milyon sa isang proyektong hindi tinapos.

Nang imbestigahan kung bakit parang kidlat na naglabas ng desisyon si Judge pabor sa construction firm, naabutan pala ito ng P5 milyon ng isang abogado.

Sabi nga ni Enrile, gusto niya happy si Judge.

Nadiskubre ni Judge na hindi lang pala P5 milyon ang budget para sa kanya. P16 million pala ang totoong pakimkim sa kanyang desisyon.
‘Yan ang galanteng suhol.

Ang problema, napunta pala sa tulay na abogado ang P11 million.
Si Abogado de Suhol ay nakabili ng Land Rover na nagkakahalaga ng P8 milyon.

Anak ng tokwa, daig ni abogado si Judge dahil mukhang multi-cab lang ang kaya niyang bilhin sa P5 milyong ibinigay sa kanya.

Ang akala ko noon, mas magulang kapag Judge na. Nagkamali ako, mas magaling palang manggulang ang abogado.

ITO ANG MAS mabigat na problema ni Judge. Minumulto na siya ng kanyang sariling kalokohan.

Mismong mga taga-Supreme Court ang nakapansin sa biglang pagbabago sa karakter ni Judge. Hindi na ito mapakali, balisa sa araw-araw.

Kaya pala, hindi lamang pala ito ang kanyang kinasasangkutan. Mismong taga-SC ang sumusubaybay sa kanya dahil may nauna na pala itong kinasangkutang bribery kaya mainit na siya sa mga mata ng mahistrado.

Hindi tayo magtataka kung nasa suicide watch na rin si Judge.
Malapit ka nang kalusin Judge, dahil sa ginagawa mong pagpapayaman sa puwesto.

Huwag kang malungkot Judge, hindi ka nag-iisa. Kasama mo si abogado sa mga masisibak sa puwesto.

Puno na ang salop Judge, dapat ka nang kalusin!

MAIIWASAN SANA ANG paggastos ng mahigit P200 milyon para lang sa pagretoke ng Quirino Grandstand kung regular gagawin ang maintenance.

Ang taunang pagpapabaya ng National Historial Institute, ng Parks Development at ng Department of Tourism ang malaking dahilan kung bakit kailangan tayong gumastos para sa inauguration ng bagong Pangulo.

Kasama naman sa annual appropriation ang pagsasaayos ng mga historial sites at mga parks kaya hindi dapat nangyayari ang biglaang malaking gastos.

Hindi puwedeng kapag may bagong manunumpang Presidente, roon pa lang tayo kikilos para pagandahin ang isang pinabayaan n’yong historial landmark.

Sintido-kumon lang ang kailangan d’yan.

allanpunglo@yahoo.com

Pulandit
Allan Encarnacion

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.