Pulandit: Mga problema sa airports

ISANG ORAS AT kalahati ang biyahe mula Hong Kong papuntang Manila. Hindi ka man mainip ay nakatawid ka na pala sa malawak na karagatan at nakalagpas ka na sa maraming kabundukan.

Pero para makuha mo ang iyong bagahe after mag-check-out sa Immigration, kailangan mo ng isang oras at sampung minuto na ang distansiya lamang ay mga labing limang dipa mula sa counter papuntang baggage carousel.

Ito ang dapat tingnan ng kaibigan nating si NAIA General Manager Atty. Melvin Matibag para mas lalong maka-attract ng turista ang ating bayan.

Sa maraming bansa, habang lumalabas ka sa eroplano, nauuna pa sa iyo ang check-in baggages kaya kapag natapos mo ang proseso sa Immigration, nakatunganga na sa paghihintay ang mga bagahe.

Dito sa atin, ikaw ang maiinip bago mo makuha ang mga bags samantalang sa mararaming bansa sa buong mundo, iyong bag mo ang naiinip sa kahihintay sa iyo.

Hindi rin natin puwedeng isisi sa NAIA management ang problema. Dapat ay malaman din ng mga airline companies ang ganitong problema.

Sa NAIA 2 o iyong tinatawag na Centennial Airport na kinaroroonan ng Philippine Airlines, madalas mangyari ang sobrang delayed na paglabas ng mga bagahe.

Maraming mga balikbayan at foreign tourist ang napapailing sa kunsumisyon sa sistema sa pagkuha ng bagahe.

Pati ang Immigration counter, madalas, ilan lamang ang may tao, lalo na kapag hatinggabi ang dating ng mga pasahero.

Kung minsan, tatlo hanggang apat na magkakasunod na eroplano ang dumarating kaya talagang buhos ang mga tao sa Immigration counter. Madalas, kung halimbawa’y sampu ang counter, apat lamang ang may tao kaya talagang sinasapot ka na, hindi ka pa nakalalabas.

Maraming pagkakataon, kapag nakalusot  ka sa Immigration at nakuha mo na ang iyong bagahe, para kang tumama sa lotto habang papalabas ng airport dahil sa sobrang hirap na dinanas mo.

Tingin natin, ito ang dapat pag-isipan nina Atty. Matibag at Immigration Chief Libanan.

ISA PANG KARANIWANG problema sa airport ay ang Customs.

Sa mga eroplanong papasok ng Pilipinas, may Customs sheet na ibinibigay sa eroplano kasabay ng arrival cards.

Sa papel na iyon, nakalagay na dapat mong isulat ang pangalan, passport number at kung saang bansa ka galing.

Sa bandang ibaba, may mga boxes for checking. Halimbawa ng mga tanong doon, ikaw ba ay may dalang mga prohibited items? May dala ka bang pera o foreign currencies na lagpas sa P10,000?

Marami pang tanong doon na obviously, hindi sasagutin nang ikapapahamak mo.

After pumila sa Imigration, after makunsumi sa bagahe, hayun, pipila ka naman sa Customs counter bago makalabas sa gate ng airport na siya pang nagpapaantala ng labas ng mga pasahero.

Ang Customs sheet na siguradong naimprenta ng tone-tonelada ang dami ay isang paraan lamang ng pag-aaksaya ng pera ng gobyerno.

Dapat lamang na bago ibaba sa baggage carousel ang mga bagaheng galing sa eroplano ay dapat paraanin sa security X-ray dahil may mga pangalan naman ang mga bags. Kung sino ang may questionable items, siya lamang ang dapat paraanin sa Customs counter.

At sigurado naman tayo sa country of origin, isinalang din ‘yan sa X-ray machines bago isinakay sa eroplano for security purposes.

Kung talagang gusto natin ng maayos na sistema ng pagtanggap ng mga turista at mga kababayan nating bumabalik, kailangan rebisahin ang sistema natin sa mga paliparan.

Ang mga airports at seaports ang unang pintuan papasok sa ating bayan kaya dapat hindi ito mag-iwan ng masamang impresyon sa ating mga turista.

allanpunglo@yahoo.com

Pulandit
Allan Encarnacion

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.