Pulandit: May Isa Pang Executive Secretary sa Palasyo!

KAILANGAN NATIN NG isang mambabatas na hindi makukurap.

Bagama’t para tayong naghahanap ng karayom sa talahiban, umaasa pa rin akong may isang kongresista o senador ang tatayo na hindi puwedeng makuha sa sobre o sa maleta ng pera.

Ang tinutukoy nating mambabatas ay siyang magsusulong ng free-parking sa lahat ng commercial establishments.

Noong nabubuhay pa si Senador Companero Cayetano, isa ito sa kanyang isinulong subalit hindi rin nakaalagwa sa dalawang kapulungan.

Umaasa tayong ang magkapatid na senador na sina Alan Peter at Pia Cayetano ang magtutuloy sa naiwanang panukala ng kanilang ama para putulin na ang pang-aabuso ng maraming negosyante.

Ang mga malls at ibang business firm ay hindi dapat pinapayagang makapagpatuloy ng kanilang mga negosyo kung walang sapat na paradahan.

May mga negosyong pati ang bangketa na pag-aari ng publiko ay pinababayaran kapag ginamit ng mga motorista.

Tulad halimbawa ng Rustan’s sa Morato, Quezon City, sinisingil ng P30 ang mga pumaparada sa bangketa kahit customers na ang gagamit.

Maging ang mga SM Malls at ang marami pang department store ay lantarang nagpapabayad ng mga paradahan na dapat ay libre batay sa National Building Code.

Karaniwan, hindi ka puwedeng magtayo ng vulcanizing kung wala kang sapat na paradahan. Bakit ang mga malls ay pinapayagang makapag-operate gayong wala silang totohanang parking para sa kanilang customers?

Sa America at sa maraming bansa sa Asya, libre ang paradahan sa mga malls.

Sa bansa ni Obama, may designated parking sa kalsada na kailangan mong magbayad sa pamamagitan ng coin machines. Pero sa mga malls at mga grocery stores, libre lahat.

Pigilan na ang mga buwitreng mall owners sa kanilang pagsipsip sa dugo ng mga mamamayan.

HINDI MATANGGAP NG Teachers’ Dignity Coalition na marami nang tamad na teachers sa henerasyon ngayon.

Ang memo ng DepEd na nagbabawal magbigay ng assignments kapag weekend sa public elementary school ay nagbibigay sa atin ng bagong kaisipan.

Ang totoo, kapansin-pansin na nag-iba na ang paraan ng pagtuturo ng maraming teachers.

Noong ako ay nasa elemetarya, aktibo ang diskusyon sa klase. Masipag ang mga guro na magsulat sa blackboard at mabilis ang interaction sa klase.

Ngayon, karaniwan nang pinababayaan ng mga guro ang mga estudyante na matutong mag-isa. Ang aking grade four na anak, wala nang nagagawa kapag weekend, kundi gumawa ng assignments dahil santambak ang ibinibigay na homework ng kanilang guro.

Ang kanilang mga notebooks ay halos wala nang laman dahil wala nang kopyahan sa pisara, ‘di tulad noong araw. Pag-upo ni guro, pinabubuklat na lamang ang libro from chapter to chapter habang siya naman ay busy sa pagte-text.

Kung gusto talaga nating pataasin ang kalidad ng edukasyon, dapat ay magkaroon ng open discussion sa mga subjects. Kahit basahin nang basahin ng mga bata ang kanilang mga libro, hindi pa sapat ang kanilang kaalaman para mauwaan ang lahat ng nakasulat doon.

Dahil sa ganitong sistema ngayon sa paaralan, ako at ang aking misis ang nakikipagtalakayan sa bata para mas maunawaan niya ang subjects.

Dapat kasama ang mga magulang sa mga pinasasahod ng mga paaralan dahil sila na ang nagtuturo sa mga bata.

ISANG HIGH PROFILE cabinet member ang kinasusuklaman ng kanyang mga nasasakupang opisyal.

Si Kalihim na masyadong magaling sa media gimmick ay walang malasakit sa kanyang mga tauhan.

Nang lumabas ang Executive Order No. 2 na nag-aalis sa midnight appointees, walang naging aksyon si Kalihim para naman ayusin ang appointment ng mga second in command.

Pinababayaan na ni Kalihim ang kanyang mga tauhan dahil mukhang ang mahalaga sa kanya ay ang sarili niyang interest.

Secretary, baka magising ka na lamang isang umaga, na gugulpihin na lamang ng mga bata mo!

BAKIT WALA SI DILG Secretary Jesse Robredo sa mga dapat kasuhan sa hostage-taking?

Ang dahilan, kasama kasi siya sa probe body kaya bilang kortesiya marahil, pinalusot siya sa pananagutan.

Makapal na lang talaga ang mukha ni Robredo dahil hindi tinatablan kahit nagdudumilat ang katotohanang siya dapat ang on top sa ganoong situwasyon.

HINDI PALA SI Paquito Ochoa ang totoong Executive Secretary.

Ayon sa ating source, may umaapak sa ulo ni Ochoa kung pag-uusapan ay ang mga decision-making.

Isang malapit kay Noynoy ang naglalabas ng kanyang sariling memo at nagpapatawag ng sariling cabinet meeting na ikinagugulat ng mga nasa Palasyo.

Kung nagkakaroon ng matinding hidwaan sa Communications Group ni Noynoy, mukhang mas grabe ang lamat sa top level officials ni Nonoy.

Mukhang hindi lamang snake pit ang Palasyo, kundi anaconda pit!

Abangan ang power wrestling sa Malakanyang!

allanpunglo@yahoo.com

Pulandit
Allan Encarnacion

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.