Pulandit: ‘Kupitan ng Barangay!’

HINDI LAMANG ANG Sangguniang Kabataan ang dapat mabuwag.

Kasabay ng paglusaw sa SK, kailangan na ring maalis sa mapa ng pamamahala ang mga barangay chairman.

Sa elementarya pa lamang, itinuro na sa atin na ang barangay ang pinamakaliit na porma ng pamahalaan na nangangasiwa ng kaayusan sa komunidad.

Noong kamusmusan ko pa, marami nang taliwas akong nasaksihan sa baranggayan.

Ang mga barangay official na aking nakikita noon ay walang ginawa kung hindi mag-majhong, magsabong at mang-abuso ng kanilang mga kapitbahay.

Ang kaisipan ng batas sa paglikha ng barangay ay upang mabawasan ang obligasyon ng lokal at nasyunal na pamahalaan.

Nang isabatas ang Local Government Code, mas lalong binigyan ng kapangyarihan ang mga barangay. Mula sa pagiging first level ng pagiging peacemakers, nabigyan sila ng taxation power sa pamamagitan ng pag-iisyu ng business permit mula sa dati lamang na barangay clearance.

Kaya nga naging malaki pa rin ang pondo ng mga barangay sa tulong ng Real Property Tax o RPT na nabibigyan sila ng ilang porsiyento mula sa real estate tax na sinisingil ng munisipyo o city hall.

Pero ang mga kapangyarihang ito ay inabuso ng maraming barangay. Mula sa pagiging first line of defense, naging first line of corruption.

Ang mga barangay na ang nagbebenta ng rights para makapag-squat ang mga informal settlers. Sila na rin ang nagbebenta ng mga iligal na tubig, iligal na kuryente, at pati mga lehitimong negosyante ay kinokotongan na rin nila bago bigyan ng permit.

May mga barangay na rin ang nagpapatupada, nagpapa-jueteng, nagpapakalat ng video karera at kung mamalasin pa, nagpapakalat pa ng droga.

‘Eto pa ang masamang balita, ang mga magnanakaw na matanda ay nagsukbit pa ng mga tiwaling kabataan. Ang mga SK na dati’y Kabataang Barangay na walang alam sa pera-pera ay sintakaw na rin ng “kupitan ng barangay!”

May sampung porsiyento ang mga SK mula sa pondo ng barangay para gamitin nila sa mga youth activities tulad ng paliga, seminar, community service at mga environmental activities.

Pero ano ang ginagawa ng mga batang ito? Hayun, nakikipagsabwatan kay kupitan para sa pagmaniobra ng mga ghost projects.

Magpapaliga pero magso-solicit ng mga thropies, bola, uniforms at iba pang sports gadgets sa halip na kunin sa kanilang pondo.

Dahil sa mamantikang pondo, iyong anak o kaya’y apo na ni kapitan ang gagawing SK Chairman para mas madaling kasabwatin.

Marami pang nangyayari sa little government na ito na talagang kukumbinsi sa iyo na alisin na sila sa poder ng pamamahala.

ANG NAKIKITA KONG solusyon dito ay hindi ang appointment system tulad ng gustong mangyari ni VP Binay.

Kung ganito kasi ang gagawin natin, mas lalong magiging grabe ang sistema ng nakawan dahil tiyak na ang ilalagay ni Mayor na kapitan ay iyong mga tuta niya na walang ginawa kung hindi sumunod sa kanyang gusto.

Mas makabubuting wala nang kapitan. Ang isang barangay ay hatiin na lamang sa purok o sitio para mas maging maliit ang sakop ng maitatalagang lider.

Halimbawa’y ang isang purok ay mayroong 50 bahay, ang mga pamilya rito ang silang pipili ng kanilang lider. Parang magiging homeowners na lamang pero empowered din ng batas ang magiging pinuno.

Dalawang taon lang ang termino at walang reeleksiyon sa unang halalan after ng kanyang termino. Puwede siyang tumakbo sa susunod pang eleksiyon or 2nd elections after ng termino ng pumalit sa kanya.

Ganoon din sa SK, pipili rin ang mga kabataan sa 50 bahay kung sino ang gusto nilang lider. Ang parang magiging hepe nilang lahat sa isang partikular na lugar ay magbobotohan para sa isang federation president na parang aaktong kapitan subalit walang direktang papel sa komunidad.

Kung ganito kaliit ang pamamahala, mas magiging epektibo ito para sa micro-managemen ng ating mga komunidad.

Mula sa basura hanggang sa peace and order ay mas madaling mareresolba kung lahat ng miyembro at opisyal ng purok ay magkakakilala.

Ito na ang tamang panahon para magwakas ang kaligayahan ng mga kupitan ng barangay!

allanpunglo@yahoo.com

Pulandit
Allan Encarnacion

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.