Pulandit: Korapsiyon sa barangayan

MARAMI NA NAMANG urot na gustong magkansela ng barangay at SK elections.
Itinakda ng batas na ito ay idaos sa Oktubre ng taon subalit may mga pulitiko na namang kumakaladkad sa kanilang kapangyarihan para ito ay hindi matuloy.
Kaya tayo nagkakanda-letse-letse, marami tayong gustong gawin pero ayaw nating sundin ang batas.
Kung gagawin sa 2011 or 2012 ang eleksiyong ito, binigyan na naman natin ng lisensiya ang mga nakapuwesto sa barangay para makapang-abuso.
Ang mga SK officials na napuwesto sa edad na 16 ay aabutin na naman ng pagkagurang.
Kung ang sinasabi ng mga kongresistang nagsusulong ng postponement ay makatitipid tayo ng dalawa hanggang tatlong bilyong piso sa pag-urong ng eleksiyon, maghunos-dili kayo mga bata.
Hindi rin kayo totoo sa inyong sinasabing pagtitipid dahil halos nag-aamok na kayo sa panukalang tapyasan ng P30 million ang inyong P70 milyong pork barrel.
Huwag na kayong magkunwaring nagmamasalit.
Ang sabihin n’yo, kaya ayaw nyong matuloy ang eleksiyon sa Oktubre, dahil natatakot din kayong makikikilan ng mga kandidato sa barangay na katulad n’yong extortionist.

SA ISANG BANDA, hindi ko rin naman malaman kung tunay na nakatutulong sa komunidad ang pagkakaroon ng kapitan del barrio at mga SK leaders.
Sa totoo lang naman, ang smallest unit of government na nilikha sa ilalim ng batas ni Marcos ay mayroong magandang layunin.
Pero iba ang nangyari. Ang ilang kapitan ay silang pasimuno ng mga drug pushing, perya, video karera, tupada, karera ng daga, pa-bingo at ng iba pang sugal-lupa.
Dito rin nagmumula ang korapsiyon sa mismong barangay sa pamamagitan ng pagkatay sa pondong inilalalan para sa development ng kanilang barangay.
Maging ang mga SK na bago pa lamang napuputulan ng pusod sa pulitika ay marunong na ring mangikil.
Gusto na rin ng sariling 10 hanggang 15 porsiyentong komisyon sa pondo niya.
Dahil kailangan ding walang hadlang sa pag-release ng pondo, ang SK ay nagpapakatuta sa kapitan sa pamamagitan ng pikit-matang pakikipagsabwatan sa pondo ng barangay.

MAY MGA SK akong nakikita na walang ginawang proyekto kung hindi ang magpasayaw sa kalsada pero hindi ginagamit ang pondo. Humihingi pa rin sila sa mga konsehal ng lahat ng kailangan nila pati sa mga liga ng basketball, pero ililista nila iyon bilang expenditures sa kanilang liquidation report.
Malungkot, subalit nangyayari sa maraming barangay ang ganitong kalakaran.
First hand, nasasaksihan natin kung paano walanghiyain ng mga barangay at SK officials ang pondo ng bayan.
Hindi ko alam kung saan tayo lulugar, kakanselahin ba ang barangay elections o isakay na lang sa incinerators ang mga lider na ito para talaga magkaroon ng matinding pagkilos sa pagpuksa ng korapsiyon.
Kayo na lang ang pumili para hindi ako magsinungaling!

allanpunglo@yahoo.com

Pulandit
Allan Encarnacion

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.