Pulandit: Itaboy palabas ng Kongreso ang mga huwad na partylist!

PUMAPASOK NA TAYO sa Ika-15 Kongreso.

Mula sa dating 230 represetantives, magiging 287 na silang lahat dahil dahil sa karagdagang 57 party-lists members at nadagdag na apat na distrito sa Cavite, isa sa Malabon City at isa pa sa Bicol na nakatitulo kay Dato Arroyo.

Ang ibig sabihin, ang gagastusan ng gobyerno ay P70 million  pork barrel multiply by 287 plus mga P350k monthly operational expenses ng bawat isa.

Hindi kasama ang 287 air-conditioned rooms, 287 sets of office equipment, 287 cars. At ang bawat isang kongresista, may tig-dalawang security bukod pa ang driver at secretary.

Hindi pa rin kasama ang mga allowances nila sa pagiging miyembro ng komite, per diem sa chairmanship ng mga komite at iba pang perks na inilaan nila mismo sa kanilang mga sarili sa pamamagitan ng legislative allocations.

Kung titingnang mabuti, sobra-sobra na tayo sa district representations. Ang sinasabi kasi sa batas, sa bawat populasyon na 250k, dapat ay may isang kinatawan.

Maraming mga distrito ang sobrang dami ng tao, mas higit na required ng batas. Mayroon din namang kulang na kulang ang tao pero may sariling kongresista tulad ng distrito ni Dato na 160k kamang ang kakatawanin.

Ang tanong ngayon, kailangan ba natin ng additional 57 sectoral representatives na kung tawagin nga ay party-list?

Ang nangungunang Ako Bicol ay magkakaroon ng tatlong kongresista. Posibleng tatlo or dalawa naman ang magiging kinatawan ng Buhay.

Ang Ako Bicol ay kinakatawan ng bilyunaryong si Elizale Co samantalang ang Buhay naman ay pangkat ni El Shaddai leader Mike Velarde na nakinabang din sa pinalikong C-5.

Ang pagpasok sa party-list election ng mga tulad ni Co, Velarde at ng mga grupo ng Liquified Petroleum Gas Marketers Association ni Arnel Ty ay indikasyon na sobra nang nababoy ang sistema.

Tulad ng palagi kong inaargumento, ang mismong wisdom ng batas na lumikha sa House of Representatives ay dapat nang sumakop sa lahat ng uri ng tao sa bansa.

Kahit maging kongresista ng isang partikular na distrito ang isang tao, dapat ay kinatawan na rin sila ng senior citizens, disabled, magsasaka, manggagawa, Bikolano, Ilokano at maging mga nagtitinda ng LPG tank.
Paano masisikumura ng mga bilyunaryong sina Co, Velarde at si Ty na gastusan sila ng gobyerno gayong isang bogus na adbokasiya lamang namang ang ipinaglalaban nila?

Dapat makita ito ngayon ni Noynoy at ng kanyang mga advisers para kung itutuloy ang palaging nabibimbing Charter change. Kailangang unahing alisin sa probisyon ng ating batas ang lumikha ng party-list system dahil isa itong imbudo ng pagkaubos ng pondo ng ating gobyerno.

Malungkot na katotohanan na halos 80 porsiyento ng mga nakapasok sa partylist system at ang mga nagpasok ng kanilang kandidatura sa nakaraang eleksiyon ay mga huwad na makabayan. Marami sa kanila ay makabayad na nilikha para lamang magkaroon ng akomodosyon sa Kongreso.

Isa pang kinatawan na hindi mo malaman kung bakit hindi marunong mahiya ay si Angelo Reyes na ngayon ay kinatawan na ng 1-Utak.
Kung mayroon man talagang dapat talupan ng buhay at pagulungin sa iodized salt ay ang mga taga-Comelec na pinapayagang makapagpasok ng kandidatura ang kung anu-anong partylist na tulad ng guwardiyang si Mikey Arroyo.

Panibagong pag-asa ang hatid ng pagkakapanalo ni Noynoy. Ito ang inaasahan nating puputol sa tanikala ng kabuktutang nangyayari sa ating bayan.

Kailangang itaboy palabas ng Kongreso ang mga demonyong impostor na gusto lamang ng kapangyarihan at pondo ng bayan!

Sa mga suki nga pala ng Pinoy Parazzi, Monday at Friday na lalabas ang kolum natin mula ngayong araw na ito. Salamat at mabuhay!

allanpunglo@yahoo.com

Pulandit
Allan Encarnacion

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.