Pulandit: Huwag mabuhay sa hinagpis

TOTOONG MARAMING SABLAY na desisyon at boto si Chief Justice Renato Corona sa mga nakaraang libro ng kasaysayan.

Ang pagpabor niya sa Executive Order 464, ang pagpayag niya na manatili sa puwesto ang mga appointed officials kahit nakapag-file na ng Certificate of Candidacies, ang pagpayag niya sa Bangsa-Moro Juridical Entity na bibiyak sa Pilipinas na parang tinapay na pianono at ang mga maseselan pang probisyon sa VFA na kung titingnan ay anti-republic.

Ibigay na natin ang lahat ng masasamang akusasyon kay Corona. Sabihin na nating Chief of Staff siya ni GMA. Sabihin pa nating grabe ang kanilang pagkakaibigan na kahit Gillette blade ay hindi makadadaan sa pagitan nila.

Pero sabi nga, kung patuloy tayong mabubuhay sa nakaraan, lalo lamang tayong hindi makauusad.

Kahit ano pa ang sabihin natin, diskresyon ng Pangulong Arroyo na siyang magtalaga ng Chief Justice na sa kanyang paningin ay puwede niyang pagtiwalaan.

Maraming pulitiko, kahit pa barangay captain, gustung-gustong nagtatalaga sa loob ng kanyang opisina ng tunay niyang mapagkakatiwalaan.

Sabi nga, ibigay natin ang para kay Ceasar.

Ako bilang indibiduwal na sumusuri sa mga nangyayari ay nagbibigay ng kumpiyansa sa SC kahit marami pa silang baluktot na desisyon.

Peligro ang nakaabang sa ating bansa kung hindi natin kikilalanin ang institusyon na humuhugot ng lakas sa ating konstitusyon na pinagbabatayan ng galaw nating lahat.

Sa bahagi ni Chief Justice Corona, pinatatawad na natin siya mga nakaraang pagkakamali. At naniniwala tayo na ang mga pagkakamaling iyon ang dapat niyang maging tuntungan upang makasungaw sa mga tamang pagpapasiya.

Si Gloria ay lipas nang pangulo. Ano man ang magiging desisyon niya sa mga susunod na kasong ihahatag sa kanilang sala ay naniniwala tayong iyon ay sa pagitan na lamang ni Corona at ng kanyang Diyos.

Sa isang banda, ano ba ang dapat nating ikabahala gayong bilang isang Chief Justice, isang boto lamang naman ang kanyang kayang gawin tulad din ng labing-apat pang mahistrado ng Korte Suprema.

Ang robe na ibabalabal ni Chief Justice Renato Corona bilang punong mahistrado ang siyang dapat pumutol sa lahat ng alinlangan dahil naniniwala pa rin ako na hindi na siya aabot sa kanyang posisyon ngayon kung plano lamang niyang sirain ang kanyang pangalan.

Tulad ng pagkakaroon natin ng bagong Pangulo, magsimula tayong muli.

Isa-isa nating damputin ang piraso ng wasak nang kasaysayang lubhang nadusta sa nakaraang mga taon.

Ang mga taong nabubuhuhay sa hinagpis, baka galaw man ng ipis ay pilit niyang hahanapan ng ikaiinis.

Move on and move fast para na rin sa mas mabilis na pag-ahon ng ating bayan!

allanpunglo@yahoo.com

Pulandit
Allan Encarnacion

loading...

One thought on “Pulandit: Huwag mabuhay sa hinagpis

  1. me discretion ang gloria iupo si coron kahit labag sa delekadesa at batas..pero sa bayan me descretion rin sila isumpa ang pagkawalang delekadesa ng gawain nila dahil sa motibo na batid ng bayan….wala silang magagawa hindi sila pirmi me hawak ng pamahalaan kaya sumunod naman sila ngayun sa descretion ng bagong pangulo na suportado ng descretion ng mammayan na lumayas sila at managot gloria at corona

Leave a Reply

Your email address will not be published.