Pulandit: Hostage: Kumpetisyon sa Scoop ang Pumatay sa Hong Kong Nationals!

ANG BLACK TRAVEL alert ng Hong Kong at ng maraming bansa laban sa atin ang isa na sa maituturing na pinakamasamang estado ng ating bayan sa kasaysayan.

Karaniwan na ang travel advisory sa mga foreign nationals na nagbabawal sa kanila na pumunta sa Mindanao dahil madalas magkaroon ng kaguluhan doon.

Ang pagkakatala ng Manila bilang dangerous place to visit ay isang malaking dagok sa bagitong gobyernong ni Noynoy.

Ang hostage-taking sa Quirino Grandstand ay nagmulat sa ating kaisipan kung gaano kahina ang ating PNP. Ang mga SWAT na sinasabing eksperto sa taktika sa ganitong mga pagkakataon ay wala ring nagawa para pigilan ang madugong wakas.

Sa mahabang senaryo ng negosasyon, nagpakita na ng indikasyon na mareresolba ang hostage crisis nang maayos dahil sa kooperasyon ni Captain Mendoza.

May mga hostage na ngang napakawalan na nagbibigay ng palantandaang handang bumigay ang kapitan sa anumang posibleng mapagkasunduan.

ANG HINDI KO maintindihan ay kung anong klaseng taktika ang ginawa ng Manila police sa pangunguna ni Col. Nelson Yabut na kung iisiping mabuti ay dapat kasuhan sa mga nangyari.

Sa kainitan ng negosasyon ay pilit nilang inaaresto ang kapatid na pulis ni Capt. Mendoza dahil sa alegasyon ng pakikipagsabwatan sa hostage-taking.

Ibig sabihin nito, walang pakialam si Yabut at ang buong PNP command sa posibleng kahihinatnan ng buhay ng mga hostage sa loob ng bus.

Dito ay makikitang lumabag sila sa Rules of Engagement at sa maraming standard procedures na dapat nilang ginawa para sana naiwasan ang malagim na trahedya.

Lumilitaw na napanood ni Capt. Mendoza sa mga television news ang marahas na pag-aresto sa kanyang kapatid habang nasa bus na naging mitsa ng kanyang pag-aamok.

Sa bahaging ito, may pagkukulang din ang mga media. Puwede sanang mai-video ang senaryo ng pag-aresto sa kapatid ni Mendoza subalit hindi dapat live feed.

Sa isang banda, pagkukulang pa rin ng ground commander ang pagpayag sa pagkuha ng video ng mga reporters. Puwede naman nilang pakiusapan ang media na huwag iere nang live ang akto ng padakip dahil nga sa panganib na nakaamba sa mga hostages.

Hindi ko alam kung may puwang ang kumpetisyon ng live coverage sa ganitong kaselang sitwasyon. Kung hindi kayang mag-isip ng PNP, dapat pumasok dito ang mga news managers ng TV.

Sila mismo ang dapat kumontrol sa kanilang mga live van para huwag ibato sa ere ang ganoong sitwasyon.

Kung talagang metikuloso nating pag-aaralan ng isyung ito, may pagkakasala rin ang media. Higit sa anumang scoop, mahalagang malaman ng media sector ang kanilang obligasyon na tiyaking ligtas ang mga biktima.

HINDI KO ALAM kung bakit walang kontrol ang ating media sa pagbato sa ere ng mga maseselang sitwasyon.

Habang palihim at maingat na nagtatago ang mga pulis na aatake sa paligid ng bus ay naka-live feed ang mga telebisyon at ang mga radio.

Blow-by-blow ay sinasabi sa ere ang galaw ng mga alagad ng batas na nagbibigay ng hudyat sa hostage-taker kung ano ang kanyang depensang dapat gawin.

Ibang klase ito, kung kamag-anak mo ang hostage sa loob ng bus, alam mo nang paglalamayan na ito anumang sandali.

At napansin n’yo ba, walang police line kaya nga may tinamaan pa ng ligaw na bala. At nang matapos ang krisis, nagkagulo na ang mga tsismoso’t tsismosa sa paligid ng bus na sumisira sa integridad ng crime scene.

Panahon na para bumalik sa ibabaw ng lamesa para mag-usap ang media at ang gobyerno upang hanapin ang batas na poprotekta sa mga would be victims ng ganitong sitwasyon.

Uulitin ko, more than scoop, buhay pa rin ng tao ang dapat mabigyan ng universal importance sa mga krisis na tulad nito.

allanpunglo@yahoo.com

Pulandit
Allan Encarnacion

loading...

One thought on “Pulandit: Hostage: Kumpetisyon sa Scoop ang Pumatay sa Hong Kong Nationals!

  1. Kahit ako ay isang simpleng mamamayan lang na nanunood ng hostage drama, napansin ko po kaagad ang pagkukulang sa lahat ng aspeto. Ang media ay wala ring pakialam na tila mga suwapang sa pagkuha ng coverage. Wala man lang kordon sa paligid na malapit sa pinangyarihan kaya noong natapos ang drama ay nauna pang nagsilapit ang mga miron. Tsk tsk…onli in da pilipinins lang talaga. Nandito ako sa mainland china at so far wala naman pong galit o anumang pagpakitang galit ng aking mga kaopisinang intsik. Nakausap ko rin ang iba at naunawaan naman nila na isolated case ito although sila ay nalulungkot sa nangyari. Proud po ako bilang isang Pilipino pero sa puntong ito…nahihiya po ako sa kapalpakan ng negosasyon na nauwi sa madugong pagtatapos. At ni isa mang Pedro at Juan or juana na bida noong halalan ay wala man lang nakitang anino. Tsk tsk…di nila trabaho yun pero kahit man lang sana effort na tinatawag.

Leave a Reply

Your email address will not be published.