Pulandit: Comelec bidding scam, nakaumang na naman!

HINDI RIN TALAGA marunong magtanda ang mga opisyal ng Comelec kahit paulit-ulit nang nabubuking ang mga anomalya sa kanilang tanggapan.

Ang paparating na Barangay at SK elections ang mukhang magiging sentro ng itlugan ng mga gustong kumita sa komisyon sa pamamagitan ng P284,450,214.50.

Sa kanilang ipinalalabas na Invitation to Bid, inanyayahan ng Comelec ang mga interested suppliers na sumali sa bidding na ito para sa October 25, 2010 elections.

Ang mga kailangan ng komisyon ay mahigit 3,000 ballpen, ordinary envelopes na 520 boxes, rubberband 6,000 boxes,  carbon paper 13,000 boxes, thumbprint 520,000 pcs, fixed lenght seal 520,000, indelible ink 520,000 bottles, ballot secrecy folder 3,120,000 pieces, padlock with key 520,000 pcs, continuous form 34,000 boxes.

Hindi pa nakalagay kung kailan gaganapin ang bidding na lalong nagbibigay ng butas para makuwestiyon ang gaganaping proseso.

Anong petsa tayo ngayon? September 29, 2010. Ibig sabihin, 26 days na lamang ang natitira para maisagawa ng Comelec ang bidding.

Dahil considerate naman tayo, sabihin na nating bukas ay simulan na ang bidding na siguradong imposibleng mangyari. Normally, upon publication, kailangan pa ng 7 to 10 days para sa proseso ng mga dokumento. Ibig sabihin, sa parehas na proseso, 15 days na lamang ang natitira sa Comelec.

Ito ang catch, ayon sa Invitation to Bid, dapat ay kayang mai-deliver ng winning bidder ang lahat ng ito sa loob ng limang araw matapos mai-award ang notice to proceed.
Limang araw para makapag-produce ng daan-daang libong paraphernalia sa Barangay at SK elections na pihadong kailangan pa ng Comelec logo?
Ano ang ibig sabihin ng ganito kaigsing palugit ng Comelec para mai-deliver sa kanilang pintuan sa loob ng limang araw ang lahat ng kanilang kailangan para sa Oktubre 25?

Aba’y kahit batang paslit ay mag-iisip na may nakapagluto na sa transaksiyong ito.

Ibig sabihin, catered bidding ito o alam na ng Comelec officials at ng Bids and Awards Committee kung sino ang supplier nito.

Kahit tawagin natin ang lahat ng miyembro ng Justice League sa pangunguna pa nina Superman at Wonderwoman, hindi nila kayang magawa ang daan-daang libong kagamitang sa eleksiyon sa loob lamang ng limang araw.

Maliban na nga lamang kung noong pang mga nakaraang buwan ay ready na lahat ito sa bodega ng isang pet supplier na tinimbrehan na ng Comelec sa specifications at Terms Of Reference para sure na ang panalo.

Hindi pa nalulusaw ang mga kinita sa 2010 elections, heto na naman ang mga buwitre!

HINDI DAPAT MAGPADURO si Noynoy sa Catholic church sa isyu ng population control.

Sa dami ng mga mag-asawang iresponsable na walang ginawa kundi gumawa ng bata, kailangan nang pumasok ang kamay ng gobyerno laban sa mga taong ito.

Ang patuloy na pagdami ng mga bata na palabuy-laboy sa kalsada na namamalimos, nang-aagaw ng mga alahas, bags at gumagawa ng iba pang krimen ay sapat nang dahilan para pag-aralan ng Simbahan ang kanilang walang lohikang pro-population.

Kaya matindi ang problema ng estado sa pabahay, edukasyon, trabaho at pagkain ay dahilan sa mga walang malasakit na mga lalaking makaboso lamang ng hita ay gusto nang gumawa ng bata.

Wala rin namang maipakain ang Simbahan sa mga gutom na mamamayan kaya tama lamang na magkaroon ng matatag na polisiya ang pamahalaan kontra sa paglobo ng populasyon.

allanpunglo@yahoo.com

Pulandit
Allan Encarnacion

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.