Pulandit: ‘Burger dagdag-bawas’ ni Gen. Rosales

HUWAG KAYONG MAGTAKA kung ang mga pulis na inyong nasasalubong sa Metro Manila ay mga mukhang bubuyog na.

Sa sobrang laki ng pondong ginastos ng Pagcor para pakainin ang NCR cops, hindi malayong ang mga presinto ay magmistulang pukyutan sa tindi ng kanilang kabusugan.

Ang umaaktong queen bee ngayon ay si NCRPO Chief Director General Roberto Rosales na siya mismong nag-certify na kinain ng Metrop cops ang naturang mga cheese burgers.

Para sa mga hindi nakaaalam ng istoryang ito, nagsimula ang eskandalo nang tangkain ng isang dating Pagcor employee na mag-encash ng P21 million check sa PNB.

Kailangan daw ang pera bilang kabayaran sa nagastos na meryenda ng mga parak sa kanilang walong araw na seminar.

At nang magkabukingan, lumabas ang sertipikasyon ni Rosales. Kinumpirma pa niya ito sa mga television interview na siya nga’y pumirma sa sertipikasyon.

Ngayon, General, tutal mukhang mahina ka sa math, sige, magkuwentahan tayo.

Ang pulis sa Metro Manila ay 15,000 lamang. Ilagay na nating P35 ang isang hamburger. Ang equivalent nito ay P525,000.

Dahil malakas ka naman sa akin General, pakainin na natin ang lahat ng pulis sa buong Pilipinas.

Ang total police force natin ngayon ay 130,000. Multiply natin ulit iyo sa P35. Ang total nito ay P4,550,000.

At dahil mga maraming pulis ang mahilig sa badge, sabihin na nating iyong ibang magulang ay dumoble ng kain. O kaya’y silang lahat na ang nanggulang, dodoblehin lamang natin ang total.

Ngayon, sa lahat ng klase ng pagbibigay at pang-unawa natin kay General, hindi pa rin umaabot sa P21 milyon ang gastos.

Tanong, anong klaseng arithmetic ang ginawa ni General para siya mismo ang magkumpirma na nagastos ito ng Pagcor sa paggiling ng bubuyog burgers?

Lumapit-lapit ka nga rito, General!

Isang malaking kalapastanganan sa pondo ng bayan ang ginawa n’yo sa Pagcor. Sa laki ng pondong pinag-uusapan natin ngayon, hindi nakapagtatakang nag-high five sina dating Chairman Genuino at General Rosales para lumabas ang pondong ito.

Sa inasal na ito ni General, hindi siya nararapat maging Director ng NCRPO. Mas bagay sa kanya ang komisyuner o kaya’y Chairman ng Comelec.

Burger dagdag-bawas ang ginawa mo, General, at mukhang niluma mo si Garcillano sa nangyari, bata.

BUKOD SA P21 million na ito, may mga nauna pang sumubok na mag-encash ng P26 million sa account ng Pagcor ilang araw matapos ang termino ng nakaraang administrasyon.

Malungkot ito para sa mga umaasa ng medical assistance sa Pagcor.
Bago ka bigyan ng P10,000 hanggang maximum na P30,000, talagang pinsang-buo mo na si Kamatayan.

Iyong ibang malalakas sa Pagcor, kahit P100,000 medical assistance ay nabibigyan.

Pero paano nila ipaliliwanag ang mga gastos na ito?

Hindi lamang ‘yan, gumagastos din ang Pagcor sa mga check-in sa five star hotels at pagkain ng mga pulitiko.

Masyadong nasaulala ang pondo ng Pagcor kaya ito na ang panahon para itama ang mga intensiyunal na pagkakamaling ito.

allanpunglo@yahoo.com

Pulandit
Allan Encarnacion

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.