Pulandit: Bakit nga ba maraming Pinoy ang mahirap?

KAPAG SUMASAPIT ANG SONA ng mga nagiging Pangulo ng bansa, hindi naiiwasang maungkat ang bilang ng mga naghihirap sa ating bayan.
At sa mga ganitong panahon din nabubuksan ang mga isyu ng patuloy na pagdami ng mga naghihikahos.
Kasabay ng mga SONA, kaliwa’t kanan ang mga opinyon na ating naririnig mula mismo sa mga karaniwang tao na ang tingin ng iba ay biktima ng kahirapan.
Sa ngayon, batay sa mga survey, hindi bababa sa apat hanggang limang milyon ang patuloy na dumaranas ng kagutuman.
Pero kung tunay na sukatan ng kahirapan ang gagamitin, naniniwala akong mas higit pa rito ang aktuwal na bilang ng mga walang maayos na kabuhayan.
Magandang pag-usapan ito para malaman natin kung ano nga ba ang ugat ng kahirapan ng marami sa ating kababayan.
Personal na karanasan ang ibabahagi ko sa inyo para kayo mismo ang magsabi sa inyong sarili kung ang estado ba o ang Diyos ang nagiging sanhi ng paghihirap ng maraming Pinoy. O, baka naman, sila mismo.

IBIGAY NATING HALIMBAWA ang isang kakilala ko na itatago natin sa pangalang Mario. Si Mario ay isang tambay na sakit ng lipunan. Dinatnan ko na walang tiyak na tirahan, natutulog kung saan-saan.
Mahirap pa sa daga ang kanilang pamilya. Laman ng kalsada, nakahikaw, maraming tato sa katawan, kinulayan ng brown ang mahabang ang buhok at bungal.
Wala itong ginawa sa maghapon kung hindi uminom, manigarilyo at mag-drugs. Kapag trip mangursunada, nanggugulpi na lang basta ng dumaraan.
Noong una ay inutusan kong magtabas ng damo sa aming bakuran. Sumunod ay nautusang bumili ng iba pang bagay na kailangan sa paglilinis ng paligid tulad ng walis tingting, kalaykay at kung anu-ano pa.
Masigasig na bata, mukhang may pangarap din naman sa buhay.
Sa dalas ng pag-uutos ko, nakagaanan ko na ng loob hanggang sa magpasya akong siya’y pagupitan, pakulayan ng itim ang buhok, pagawan ng pustiso at bigyan ng kahit paano’y maayos na mga damit, sapatos, pantalon.
Bandang huli, ipinasok ko na bilang utility sa isang opisina. Tagalinis, tagahugas ng mga pinggan, tagatimpla ng kape at tagahugas ng kotse.
Sa suweldong P6,000 isang buwan, puwede na kaysa tambay. May future ‘di hamak at kahit paano’y nabawasan ko pa ng sakit ang lipunan.
Pero ang kanyang kasipagan ay mas mabilis pang naglaho na parang bula. Tanghali na nga pumasok, madalas ko pang datnan na tulog sa sofa.
Inobserbahan pa rin ang work attitude. Nang mga sumunod na araw, papasok ng alas-9:00 ng umaga, bababa ng alas-10:30 para manigarilyo, aakyat ng alas-11:30 para mananghalian, bababa ulit ng alas-dose y medya para manigarilyo, aakyat ng ala-una para matulog, gigising ng alas-dos para magkape, maglilinis ng konti, alas-kuwatro pa lang ng hapon ay gumagayak na pauwi. Minsan, nauuna pa sa aking umuwi.
Ganoon ang naging ritwal ni Mario araw-araw. Sabi nga’y napupuno rin ang salop.
Natanggal sa pagiging utility si Mario. Balik sa pagiging tambay sa bakuran ng aming bahay. Nauutus-utusan, painum-inom, payosi-yosi. Iyon talaga ang gusto niyang buhay.
Mukhang nahiya rin sa kahihingi. Humirit ng pangkuha ng mga requirements para sa driver’s license, police clearance, pictures at kung anu-ano pang kailangang dokumento.
Hahanap na raw siya ng trabaho. Sa paulit-ulit niyang paghingi ng pera, nalimutan ko na kung ilang bodegang lisensiya na dapat ang kanyang naipagawa kung tama ang paggamit niya sa perang nakukuha sa akin.
Pero palaging bumabalik at ako naman ay walang kadala-dalang nagbibigay.
Nagkasakit si Mario sa kanyang bisyo, pinagamot ko naman. TB ang kanyang sakit, anim na buwang gamutan, hindi pa alam kung hanggang kailan tatagal ang medication.
Tumigil na raw siya sa bisyo, gusto na niyang magtrabrabo. Medyo malakas na naman si Mario sa bisa ng mga gamot.
Ang masamang balita, nag-asawa si Mario… at malapit nang manganak si misis.
Parang ako ang nakabuntis sa kanyang asawa dahil gusto na naman niyang tulungan ko siya kapag nanganak na ang misis niya. Jobless pa rin siya.
Sampung taon nang ako ang bumubuhay sa kanya at gusto pang idagdag sa obligasyon ko ang magiging anak niya.
Ang istilo ni Mario ay istilo ng maraming manggagawang Pinoy. Ito ang sakit na talagang nagpapahirap sa marami nating kababayan at hindi ang kawalan ng opurtunidad.
Ang dalangin ko na lamang ngayon, huwag maisipan ni Mario na paanakin sa St. Luke’s ang kanyang misis dahil ako na ang susunod na magkakasakit!

allanpunglo@yahoo.com

Pulandit
Allan Encarnacion

loading...

One thought on “Pulandit: Bakit nga ba maraming Pinoy ang mahirap?

  1. ang pinoy kc super mapanghusga, mahilig sa chismis na walang ebidensya, mahilig gumawa ng bata at papagtindahin ng chiclet sa kalsada, wala na ngang pera, naninigarilyo at lasenggo pa, tinuruan maging sosyal – mag-malling imbes na tinuruan magnegosyo. mahilig managhili sa mga nakikita sa tv kya kahit mangholdap kailangan meron sya bago. bayaran lahat mula sa simpleng clerk sa munisipyo. media people puro bayaran din. mga bayarang false witnesses. walang displina, ang baho at ang daming kalat na basura sa pinas. marami pang iba…

Leave a Reply

Your email address will not be published.