Protesta ng mga tsuper, kasado na ngayong araw

AARANGKADA NA ngayong araw, Marso 24, ang pambansang kilos protesta ng mga drayber at operator sa pangunguna ng PISTON kasama ang kanilang mga chapter at mga kaalyado sa Metro Manila at mga lalawigan.

Sinabi ni PISTON national president George San Mateo na ikinasa nila ang pagkilos dahil hindi na nila matiis ang anila’y tumitinding paghihirap, pagsasamantala at pambubusabos sa mga drayber at maliliit na operator sa apat na taon ng administrasyong Aquino.

Ayon kay San Mateo, iba’t ibang klase ng kilos protesta ang kanilang ikakasa ngayong araw.

Sa Metro Manila, isang malaking transport protest caravan papuntang Malacañang ang kanilang gagawin apra iparating ang kanilang mga hinaing kay Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III.

Bago tumulak sa Palasyo, magtitipon muna ang transport protest caravan bandang alas-8:00 ng umaga sa harap ng tanggapan ng National Housing Authority.

Ito ay sasabayan ng mga pagkilos ng mga miyembro at kaalyadong grupo ng piston sa Santiago City, Tuguegarao City, Baguio, Laguna, Batangas, Albay, Iloilo, Bacolod, Dumaguete, Cebu, General Santos, Davao at Cagayan De Oro City.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.