Protesta Kontra Dagdag-Singil sa Tubig, Kasado na

KASADO NA ngayong araw ang kilos-protesta ng mga militante at konsyumer kontra sa pagtataas ng singil at pagpataw ng iba pang hindi makatarungang bayarin na nakapaloob sa concession agreement sa Maynilad at Manila Water.

Ayon kay Bayan Secretary General Renato Reyes, isasagawa nila ang protesta sa harap ng tanggapan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) alas-10:00 ng umaga.

Layunin din anya nitong maiparating sa pamahalaan ang hinaing ng sambayanan at himukin ang mga opisyal na gumawa ng aksyon para mapigilan ang pang-aabuso ng water concessionaires sa mga konsyumer.

Bukas si Reyes sa posibilidad na makapagpalabas ng resolusyon ang Supreme Court (SC) pabor sa petisyon nilang pigilan ang pagtataas ng singil sa tubig bago pa man umarangkada ang rally ngayong araw.

Pero sakali anyang mangyari ito, igigiit naman nila ang istriktong implementasyon ng kautusan at pagsunod ng water concessionaires.

Una nang inamin ng MWSS na binabayaran ng mga konsyumer ang income tax ng Maynilad at Manila Water.

Samantala, isiniwalat rin ng Water For All Refund Movement (WARM) ang dobleng singil ng dalawang kumpanya kaugnay ng epekto ng palitan ng piso at dolyar.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.