Prostitusyon sa evac centers, pinasisiyasat

NABABAHALA SI Sen. Nancy Binay sa naireport na kaso ng prostitusyon sa mga evacuation center sa Zamboanga City.

Umapela rin ang mambabatas sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na beripikahin ang naturang report at alamin ang kalagayan ng evacuees.

“Umaapela po akong muli sa DSWD to ensure the basic needs of those displaced by the conflict and to strengthen their operations in the area. Sinabi po sa isang news report na kaya napapasok sa prostitusyon ang babaeng evacuees ay dahil sa kawalan ng oportunidad at hanapbuhay,” pahayag ng senadora.

Lumalabas sa report, talamak daw ang prostitusyon sa Joaquin F. Enriquez Memorial Sports Complex at sa mga tolda sa Cawa-Cawa Boulevard sa Zamboanga City.

Napag-alaman din sa report ni Shallom Allian, program manager ng non-governmental organization na Nisa Ul Haqq Bangsamoro, na napipilitang magbigay ng panandaliang-aliw ang mga kababaihan sa halagang P25-P300 para lang mabuhay.

Matatandaan na nagkagulo sa nasabing lungsod matapos na salakayin ng mga kasapi ng Moro National Liberation Front (MNLF) ang ilang pamayanan noong Septyembre 9, 2013 na nauwi sa 23-araw na sagupaan at libu-libo ring kabahayan at ari-arian ang nawasak.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.