Project Noah, inilunsad

DINALUHAN NINA Pangulong Noynoy Aquino at Marikina 2nd District Rep. Miro Quimbo ang

paglulunsad ng Project NOAH o Nationwide Assessment of Hazards

ng Department of Science and Technology sa Nangka Del Covered Court, Marikina City noong Biyernes, Hulyo 6, 2012.

Pinamumunuan ni Dr. Mahar Lagmay ng National Institute of Geological Sciences (NIGS), bilang Executive Director, ang Project Noah ay naglalayong isulong ang pagsasagawa ng siyentipikong pananaliksik, paggamit ng makabagong teknolohiya at paghahatid ng impormasyon ng pamahalaan upang maiwasan o mabawasan ang tindi ng pinsalang idudulot ng mga natural na kalamidad.

Ayon kay Dr. Lagmay, nais ng Project NOAH na matutunan ng publiko na ang pagharap sa mga natural na kalamidad ay pagharap ng lahat ng sektor ng lipunan na protektahan ang kanilang sarili laban sa mga nakaambang pa-nganib.

Ang project NOAH ay tugon sa panawagan ng pangulo sa mga piling ahensiya ng pamahalaan na magtalaga ng isang programang magbibigay ng maagang babala sa loob ng anim na oras bago duma-ting ang sakuna sa mga komunidad na maaaring masalanta nito.

Sa kasalukuyan, walong proyekto ang nasa ilalim ng program. Kabilang dito ang Emergency Distribution of Hydrometeorological Devices, na maglalagay ng 600 automatic rain gauges at 400 water level monitoring stations sa 18 pangunahing ilog sa bansa tulad ng Marikina River, Cagayan de Oro River, Iligan River, at iba pa; Disaster Risk Exposure Assessment for Mitigation, na bubuo ng high-resolution maps ng mga ilog at watershed na mapanganib kapag ang mga ito ay nagbaha; Flood Information Network, na magtatayo ng network na tatawaging “floodNet” na siyang maghahatid ng eksakto at mabilis na flood warning o forecast; Weather Hazard Information Project, na magtitipon at magpapakalat ng mga impormasyon tungkol sa mga katangian at ginagawa ng walong proyekto na nasa ilalim ng Project NOAH at ang mga kapakinabangang dulot ng mga ito sa taong bayan; Enhancing Geo-hazards Mapping through LIDAR, na mas paghuhusayin pa ang kasalukuyang geo-hazard maps ng bansa na tumutukoy sa mga lugar na naapektuhan ng pagguho ng lupa at pagbaha; Local Development of Doppler Radar Systems, na gagawa ng disenyo para sa pagtatayo ng Doppler radars sa iba’t ibang bahagi ng bansa; Coastal Hazards and Storm Surge Assessment and Mitigation, na magsasagawa ng pagsusuri sa mga baybaying-dagat na nakararanas ng pagguho ng lupa at pagbaha; at ang Landslide Sensors Development Project. (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.