Problema sa turismo

ITO ANG SUMMER na malaki-laki ang kinita sa akin ng bansa sa pamamagitan ng local tourism.

Sa dami ng imbitasyon, marami-rami akong napuntahan sa loob ng halos dalawang buwang summer vacation ng mga bata.

Noong mga nakaraan, hindi ko pinapatos ang mga local tourism dahil palagi kong naikukumpara sa mga gastos kapag may imbitasyon sa akin sa Hong Kong, Singapore, Macau, Shanghai at Beijing.

Kapag ganitong mga panahon, marami ang tour package papuntang Hong Kong o saan mang bansa sa Asia na karaniwan, hindi lalayo sa P25-30 thousand per pax ang budget kasama na ang plane tickets at hotel accommodation.

Kapag peak season naman, ang pinakamahal na Hong Kong trip ay P42,000 bawa tao. Sa mga ganitong panahon, santambak ang turista sa mga Asian countries na napupuntahan natin dahil siguro sa magandang budget na napagkakaisahan ng mga agency at ng kanilang Tourism government partner sa ibang bansa.

Tulad halimbawa ng aking Bohol trip. P8,000 ang pamasahe balikan hindi kasama ang hotel. Kung may hotel, aabot sa P25,000 para sa 2 days and 3 nights.

Mura ito para sa mga may panggastos. Pero kung ito ang budget, dagdagan ko na lang ng konti, sa Hong Kong na ako pupunta. Sa Bohol, may mga floating restaurant sila roon pero para sa Manila boy na tulad ko, iniisip kong kumain ng mga pagkaing hindi mo karaniwang nakikita sa lamesa sa bahay.

Hindi ako tumuloy sa pagkain sa floating restaurant dahil ang nakahain ay sotanghon, lumpiang shanghai, pork bbq at halabos na hipo. Iyong ibang bangka, may chicken curry, adobong pusit at tinola.

Disyamado kaming grupo na bumaba ng bangka dahil karaniwan lang ang pagkain.

Ang sumunod kong napuntahan ay ang Nueva Ecija, mabuti na lamang at okey ang Royce farm ng Ninong ni Tunying kaya enjoy pa rin sa sarap ng pagkain at sight-seeing ng mga alaga nilang animal farm.
Umikut-ikot din kami sa Subic sabay jetski na sponsored trip din naman kaya hindi masyadong sugatan ang aming bulsa. Pero sa kuwentahan, mas mahal pa halos kung pupunta kami sa Shanghai at Beijing.

May swimming din kaming buong angkan sa Pampanga pero hindi rin ganoong ka-glamoroso ang lugar. Parang mabuti na lang kaysa walang mapuntahan.

Ang last trip ko malamang this summer ay ang Tagaytay nitong nakaraang weekend.

Okey ang lugar subalit sablay ang first class hotel na napuntahan namin.

Ang Lake Hotel Tagaytay ay maganda ang arrive. Bago, malinis at talagang fronting ng Taal Lake.

Sa P8,000 per night, napakasikip ng room na halos mas malaki lamang ng konti sa banyo namin sa bahay. Sira pa ang door knob ng banyo at as in, napakasikip.

Wala rin silang maibigay na city map at ang breakfast for two ay itinakda na nila sa omelette, bacon at sausage.

Kung sa Century Hotel o Diamond Hotel sa Manila ka mag-stay tulad ng palaging rekomendasyon ng kumpare kong si NPC President Jerry Yap, P4,500 per night lang ang malaking standard room at buffet pa ang breakfast.

Sa maraming hotel na aking natuluyan abroad, kahit humingi ka ng walumpung extra pillow, hindi ka pagbabayarin. Sa Lake Hotel, isang daang piso kada request mo ng unan.

Dito dapat pumasok ang Department of Tourism kung talagang gusto nating mahikayat ang local tourism.

Ang Hong Kong at Singapore, sapat na silang buhayin ng mga turista dahil maganda ang handling ng kanilang Tourism office.

Ganito sana ang gusto nating gawin ng ating DOT para mas umunlad tayo sa turismo. Namumulot lamang tayo ng mga sobrang turistang wala lang mapuntahan.

Hindi tayo dapat matuwa sa 3 to 5 milion tourist per year. Ang kailangan natin ay maabutan ang Hong Kong, Singapore  at Macau na may 15 to 20 million tourist arrival kada taon.

Iyon ba namang city map ay hindi pa kayang gastusan ng gobyerno para ma-promote ang magagandang lugar sa ating bayan?

Sana lamang ay makakuha ng tamang DOT secretary si Noynoy.

allanpunglo@yahoo.com

Pulandit
Allan Encarnacion

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.