Probe sa Pork Barrel Scam, Gawing Patas – Napoles

HUMIHILING NG balanse at patas  na pagsisiyasat ang negosyanteng si Janet Lim-Napoles ng JLN Corp. na inaakusahang utak sa anomalya sa Priority Development Assistance Fund o pork barrel ng mga mambabatas.

Sa unang pagkakataon, humarap sa publiko si Napoles para pabulaanan ang ibinibintang ng dati niyang personal assistant at kamag-anak na si Benhur Luy na lider umano siya sa isang raket na bumubulsa sa bilyun-bilyong piso mula sa PDAF ng mga kongresista at mambabatas.

Isinasangkot si Napoles sa paglalagak ng PDAF ng mga mambabatas sa mga dummy non-government organization para sa umano’y mga ghost project na nagkakahalaga ng P10 bilyon.

Iginiit ni Napoles na wala siyang ginagawang mali at handa siyang magpaim-bestiga at sumailalim sa lie detector test bagama’t dapat ding dumaan dito si Luy.

Sinabi ng abogado ni Napoles na si Atty. Lorna Kapunan na biktima ng panggigipit at target ng  pangingikil ang kanyang kliyente.

Ayon kay Napoles, wala siyang personal na ka-kilalang mga kongresista at senador at hindi siya nakikipagtransaksiyon sa mga ito kaugnay ng PDAF scam.

Inihayag pa ni Kapunan na dapat pagtuunan ng pansin kung sino ang nasa likod ni Luy na kasalukuyang nasa pangangalaga ng National Bureau of Investigation (NBI).

Dapat ding maimbestigahan nang mabuti ang pagkatao ni Atty. Levito Baligod na siyang tumatayong abogado ni Luy at umano’y may koneksyon sa ilang kasapi ng NBI, ayon kay Kapunan.

Si Baligod din umano ang humingi ng halagang P300-M kay Napoles bukod pa sa mga investor’s visa, pocket money na $1.5-M at negosyo para sa kapatid ni Luy na nasa Zamboanga. Hindi naman pinagbigyan ni Napoles ang mga demand nito dahil aniya wala siyang ilegal na gawain at walang itinatago sa kanyang buhay.

Samantala, inamin niya na marahil ang dahilan ng interes ng mga ito sa kanya ay dahil sa kanyang matagumpay na negosyong realty lalo na sa ibang bansa.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.