Private audit sa Senate funds, aprub kay Enrile

HANDA NA at aprubado na kay Senate President Juan Ponce Enrile na busisiin ng pribadong auditing firm ang pondo ng Senado sa harap ng kontrobersiyal na pamumudmod nito ng P1.6 milyon na karagdagang Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) na tinaguriang cash gift sa mga kaalyadong senador.

Matatandaang iginiit ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na dapat i-audit ng pribadong tanggapan ang pondo ng Senado upang malaman ang katotohanan kung paano ginagastos ang pera ng taong bayan sa ilalim ng liderato ng pa-ngulo ng Senado.

Pero ayon kay Enrile, walang problema para sa kanya na i-audit ng pribadong tanggapan ang pondo ng Senado, ngunit kailangan aniyang pagpasyahan ito ng buong miyembro ng kapulungan.

Nabatid na sa pahayag ni Cayetano, ibinulgar nito na tinatayang nasa P1.5 bilyon ang kabuuang pondo ng Senado at mahigit sa P500 milyon dito ay napupunta sa tanggapan ni Enrile kung saan hinahamon ng mambabatas na ipaliwanag ng Senate president kung paano nili-liquidate ang pera.

Maliban dito, kinuwestiyun din ni Cayetano ang P250,000 na ibinigay ni Enrile bilang cash gift sa lahat ng mga senador.

Pero ayon kay Enrile, tiwala siyang alam na ng mga senador na hindi niya personal na pera ang ibinigay sa halip ay pera ng taong bayan kaya’t naniniwala umano ang Senate president na gamitin ito ng kasamahan in public purpose.

Maaalala na naging mainitan ang bangayan ng dalawa kamakalailan na humantong pa sa personalan at nagmistulang nag-uungkatan ng baho at nagbabatuhan ng putik sa isa’t isa.

Si Enrile ay inungkat ang umano’y utang ng ama ng senador na si dating Sen. Rene Cayetano na nagkakahalaga ng P37 milyon mula sa kani-lang itinayong law firm noong araw, habang si Cayetano naman ay pinasaringan si Enrile sa personal nitong ugnayan sa kanyang chief of staff na si Atty. Gigi Reyes.

Pero ayon sa pangulo ng Senafo, “I was just trying to answer personal assaults against my person. But I will not deal with those matters anymore. Let it stay on the record and let the Divine Spirit determine whose truth is correct, where lies the truth.”

Paliwanag naman ng nakababatang senador sa umano’y utang ng kanyang ama, “Sabi ko nga, 1998 pa nu’ng sila ay nagkahiwalay at sinipa siya sa law office na ang tatay ko ang nagtayo. Pero hindi naman siya siningil. Hanggang 2003 ‘yan, nu’ng siya’y buhay. Tapos wala naman sa issue ‘yan.”

Bagama’t may naipapasa na ring panukalang batas, tatlong araw na rin ang kinain ng bangayan ng mga mambabatas sa kontrobersyal na cash gift mula sa siyam na session days bago ang kanilang adjournment sa darating na Pebrero 8.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.