Private Army, Walang Puwang sa Nueva Ecija

WALANG PUWANG sa lalawigan ng Nueva Ecija ang operasyon ng mga private armed group (PAG), ito ang sinabi ni Officer-In-Charge PNP Provincial Director P/S Supt. Manuel Lukban, matapos makipagpulong sa lokal na pamahalaan sa iba’t ibang mga bayan sa nabanggit na probinsya.

Aniya, sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng mga intelligence community at Philippine Army at ng mga miyembro ng Philippine National Police sa loob ng halos dalawang linggo, wala na silang na-monitor na may mga politiko na gumagamit ng armed group para sa kanilang proteksyon.

Ito aniya’y alinsunod sa atas ng Pangulong Noynoy Aquino kay Sec. Jessie Robredo ng Department of Interior and Local Government (DILG) at PNP Chief Director Gen. Nicanor Bartolome na lipulin ang armadong grupo sa buong bansa upang matiyak ang tapat at tahimik na halalan sa darating na 2013 mid-term elections.

Base sa record ng Nueva Ecija Police Provincial Office, may 106 katao na ang naaresto, habang 28 PAG na ang nalansag, gayundin ang may 86 na bilang ng mga sinasabing aktibong guns-for-hire.

Kasabay nito lamang nakaraang buwan ng Enero, hiniling ni Governor Aurelio Umali sa Commission on Election na alisin na sa hot spot ng halalan ang lalawigan ng Nueva Ecija.

Bunsod nito, tiniyak naman ni P/S Supt. Lukban na tuluy-tuloy ang kanilang pagbabantay sa mga kanayunan upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan. (TONY DELA PEÑA)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 9459 stories on this site.

Comments are closed.