Princess Violago, Balik-Showbiz

KUNG MATATANDAAN, matagal ding naging semi-regular cast ng Bubble Gang si Princess Violago, kung saan una siyang nakilala kaalinsabay nina Gwen Zamora, Sam Pinto at Ellen Adarna. Bilang Artist Center talent, doon na rin siya gumawa ng pangalan sa pagiging kikay at mahusay magpatawa. Ang kanyang talento ang nagbigay-daan upang mabigyan siya ng break sa ilang movie at TV guestings.

Hindi nagtagal ay bigla rin ang kanyang pamamaalam sa showbiz dahil sa pagkakasakit ng kanyang ina. Isa sa kanilang family business ay siya rin ang nag-asikaso. Kamakailan lamang, nitong nakaraang Marso ay namayapa na rin ang kanyang ina. Matindi ang pagdadalamhati niya, mga kapatid at higit ang kanyang ama na nagmahal nang wagas sa asawa.

Sa isang okasyon ay ‘di sinasadyang nagkita kami at doon niya naikuwento ang kanyang naging karanasan habang wala sa showbiz. Masarap na mahirap ang mag-manage ng kanilang business. Ngayong maluwag na siya sa panahon ay naisipan niyang magbalik sa pag-arte. Sobra raw niyang na-miss ito.

Nakipag-usap na umano siya kay Mr. Tony Tuviera, TAPE manager, na siyang humahawak sa kanyang career ngayon. Dahil tapos naman siya ng Fine Arts sa UP Diliman, naging libangan na rin niya ang pagpipinta, mostly portraits at abstract paintings ang hilig niya na gawa sa charcoal o kaya ay oil painting.

Samantala’y nagwo-workshop na muna siya para mas lalo pa niyang mapagbuti ang kanyang pag-arte habang  naghihintay siya ng ibibigay na project sa kanya. Pero nabanggit niya na nami-miss na rin niyang namakabalik din sa Bubble Gang. Sana raw ay mangyari  ‘yun.

 

NI Luz Cancaba

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.