Presyo ng isda, naapektuhan ng Tsunami alert

LABIS NA NAAPEKTUHAN ang presyo ng isda sa pondohan ng Malabon at Navotas dahil sa ibinabang Tsunami alert number 2 ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) matapos ang malakas na lindol sa Japan kamakalawa ng hapon.

Sa nakalap na impormasyon, dahil sa kakaunting huli ng mga mangingisda ay tumaas ang presyo ng iba’t ibang klase ng isda na naging dahilan din upang magmahal ito sa mga palengke.

Ayon sa isang may-ari ng konsignasyon na si Manny Francisco, posibleng ang ibinabang Tsunami alert ng PHIlVOLCS ang naging dahilan kung bakit kaunti lamang ang nahuling isda na naging dahilan naman ng pagtaas ng presyo nito.

Sinabi pa nito, kakaunti rin ang mga mangingisdang pumapalaot sa ngayon dahil sa labis na pangamba na muling magkaroon ng malakas na paglindol na magdudulot ng tsunami.

Aniya, hanggang naghahari ang pangamba sa mga mangingisda ay posibleng patuloy na tumaas ang presyo ng isda dahil kakaunti lamang ang nahuhuli ng mga pumapalaot dahil sa pabago-bagong panahon.

Kaugnay nito, magbabantay naman ang lokal na pamahalaan ng Malabon at Navotas sa mga pamilihan upang matiyak na walang mga tindero ang sobrang magtataas ng kanilang mga presyo.

(MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.