Precious Lara Quigaman, sinagot na si Marco Alcaraz!

ISANG KAIBIGAN ANG nag-text sa akin nu’ng nakaraang Sabado ng gabi na nagtanong sa akin kung magkasintahan ba sina Marco Alcaraz at Precious Lara Quigaman. Sabi ko, nagliligawan yata. “Parang sinagot na, eh. Ang sweet nila dito sa Camsur,” text back agad nito sa akin. Nasa CWC daw ang dalawa sa Camarines Sur at wala raw silang ibang kasama kundi silang dalawa lang.

Nu’ng huling naming nakausap si Marco habang nagpu-promote ng pelikula niyang Pitik-Bulag, hindi niya diretsahang masagot kung sila na ni Lara. Ang sabi lang niya, madalas daw silang magkasama, at kung panliligaw ang tawag du’n, baka ganu’n na nga.

Ngunit ilan sa malalapit niyang kaibigan ang madalas na tinutukso silang dalawa at nagsasabing sila na nga. Sinabi naman ni Marco na matagal nang break si Lara sa dating boyfriend kaya wala naman daw problema kung maging sila.

Tahimik lang si Lara at mas gusto raw niyang mag-concentrate na lang muna sa trabaho niya. Haping-hapi siya ngayon dahil maganda ang feedback sa participation niya sa May Bukas Pa. Kahapon nga, binigyan ito ng recognition ng PNP kasama si Tonton Gutierrez dahil sa magandang paglalarawan nila ng mga kapulisan sa May Bukas Pa.

Inspired naman ngayon si Marco dahil bukod sa nagawa niyang pelikula, kasali naman siya sa Rosalinda na nagsimula na kagabi.

PALAGAY KO LANG, nakikipagbuno na ngayon ang ina ni Yasmien Kurdi na si Mirriam Yuson-Kurdi na makakuha ng ticket para makapasok sa burol ni Michael Jackson. Sobrang fan pala ni Michael Jackson itong Mommy ni Yasmien dahil talagang pumunta ito ng Amerika para lang sa burol ng King of Pop.

Kuwento ni Yasmien, nu’ng bata pa raw ang Mommy niya, nagkaroon ito ng pagkakataong makita si Michael nang mag-show rito ang Jackson 5. Sobrang bait daw sa kanya ni Jacko nang ipinakilala ito sa kanya, dahil ang Daddy pala ni Mommy Mirriam ay nagtatrabaho dati kay Madam Imelda Marcos at isa raw ito sa nag-asikaso sa grupong Jackson 5.

Magmula nu’n, naging masugid na tagasubaybay ni Jacko itong si Mommy Mirriam at masamang-masama nga ang loob niya dahil wala man lang daw siyang napanood na concert nito. Nang mag-concert si Michael sa bansa nu’ng 1996, nasa Kuwait daw noon sina Yasmien.

Gusto sanang samahan ni Yasmien ang Mommy niya na sa Amerika na magbe-birthday, pero marami raw trabaho ang young actress. Kasabay naman daw ng Mommy niya ang mga kaibigan nito kaya hindi na nag-alala si Yasmien.

Mas inaalala pa nga raw ni Mommy Mirriam si Yasmien dito dahil sa mga kasong isinampa ng kanyang anak laban kay Baron Geisler. Marami raw silang naisampang kaso laban kay Baron, na hanggang ngayon, hindi pa rin daw siya tinitigilan nang kate-text ng kung anu-anong kabastusan. Ayaw raw muna niyang magsalita sa ngayon dahil sa pinatatahimik muna ito ng kanyang abugado. Magsasalita raw si Yasmien kapag dumating na ang tamang panahon at mapatunayan nitong tama ang mga ibinibintang nito laban kay Baron.

Hindi pa nga lang masabi sa amin ni Yasmien kung nakakuha na ba ng ticket ang Mommy niya para makapasok sa burol ni Jacko.

by Gorgy’s Park

loading...

2 thoughts on “Precious Lara Quigaman, sinagot na si Marco Alcaraz!

Leave a Reply

Your email address will not be published.