Prangkisa ng Don Mariano Transit, kanselado na

KINANSELA NA ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang prangkisa ng buong fleet o 78 bus ng Don Mariano Transit Corporation.

Inilabas na ni LTFRB Chairman Winston Ginez ang naging desisyon sa katwirang napatunayan na nagkasala ang nasabing bus company sa mga nakasangkutang insidente.

Pinakahuli sa mga reklamo laban sa Don Mariano ang pagkahulog ng unit nito sa Skyway noong Disyembre 16 na ikinasawi ng nasa 20 katao.

Sinabi naman ni Atty. Jason Cantil, kinatawan ng Don Mariano sa pagdinig na pipilitan nilang iapela ang nasabing desisyon sa LTFRB o Department of Transportation and Communications (DOTC) dahil problema nila kung saan kukuha ng pang-suporta sa pamilya ng mga namatay at mga nasugatan.

Sa kasalukuyan aniya, nakapagpalabas na ang naturang kumpanya ng P11 milyon para sa mga ito pero kailangan pa rin ng tulong ng mga biktima.

Ayon pa kay Cantil, nasa 20 na sa mga biktima ang nakipag-areglo sa kanila.

Bukod sa mga biktima, ikinatwiran din nito sa pag-apela sa desisyon ang nasa 160 driver at kundoktor na mawawalan ng hanapbuhay, bukod pa sa mga inspektor at tauhan sa opisina.

Pinayagan naman ng LTFRB ang Don Mariano Transit Corp. na maghain ng motion for reconsideration.

Samantala binigyang diin ni Ginez na bawal nang bumiyahe ang alinman sa Don Mariano units.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.